483 total views
Nagpapasalamat ang Military Ordinariate of the Philippines sa mga nakatuwang at naging bahagi ng Diocesan Synod on Synodality Consultation ng diyosesis.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio, nawa ang isinagawang konsultasyon batay sa mga kuwento at karanasan ng kinasasakupan ng Military Diocese ay magbunga at magtuluy-tuloy para sa sama-samang paglalakbay tungo kay Kristo.
“I hope and pray na the volunteers will continue even up to the time that itong document, because we are hoping a document coming from the Holy Father after this synod, na tayo rin po ay magkakaroon ng ating pastoral strategies, actions, and programs that will have an impact on this continuous journey that we have,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi naman ni Bishop Florencio na hindi naging madali ang proseso ng synodal consultation ng Military diocese.
Sinabi ng obispo na sinikap nitong mapanatili ang maayos na pakikipag-ugnayan sa mga kinasasakupan ng Military diocese sa buong bansa sa kabila ng mga krisis na kinakaharap.
Tinukoy ni Bishop Florencio ang magkakalayong mga kampo na binibisita lalo’t umiral sa bansa ang halos dalawang taong lockdown bunsod ng COVID-19.
“We saw to it that kahit papaano mayroon pang element of listening. We listened to the different consultation reports although ito rin po ay dalawang mode: one, mayroong online and the other one was face to face,” ayon kay Bishop Florencio.
Sa kabila naman ng mga suliranin, ipinagmamalaki ni Bishop Florencio na naging maganda at maayos ang pagtugon ng mga “uniformed personnel” sa isinagawang synodal consultation.
“Napakaganda po ng response ng mga tropa, meaning the men and women in uniform and their dependents, and then kasama na rin po ang mga volunteers namin. Dito sa diocesan synodal team, hindi po kami nahirapan in terms of the help of the people,” ayon sa obispo.
Ang synodal consultation ay bahagi ng panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na layuning makalikha ng preparatory document na isusumite sa Vatican upang talakayin sa Synod of Bishops sa October 2023.
Ginanap nitong May 22 ang closing ceremony ng synodal consultation ng Military Diocese sa Shrine of Saint Therese of the Child Jesus sa New Port City Complex, Pasay City kasunod ang banal na Misa na pinangunahan ni Bishop Florencio kasama ang mga kinasasakupang chaplains.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP), at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).