666 total views
Nanawagan ng tulong ang Diyosesis ng Butuan matapos ang pananalasa ng bagyong Vicky sa Mindanao.
Ayon kay Butuan Social Action Director Fr. Stephen Brongcano, lubhang naapektuhan ng bagyo ang mga parokya ng Our Lady of the Rosary sa Rosario at Sacred Heart of Jesus sa San Francisco sa Agusan del Sur na pawang mga lubog sa baha. Sinabi ng pari na hindi pa mapuntahan ng mga volunteer ang ibang barangay dahil sa matinding pagbaha na nagpalubog at sumira sa mga bahay ng mga residente.
Dagdag ni Fr. Brongcano na higit namang kailangan ng mga residente at pamilya sa mga apektadong parokya ang mga pagkain at damit. Sa ngayon, patuloy na nangangalap ng iba pang impormasyon ang Diyosesis upang agarang sumaklolo at magpahatid ng tulong sa mga residenteng lubhang apektado ng matinding sakuna.
Samantala, aabot na sa tatlong katao ang naitalang nasawi at libu-libong residente at pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang magdulot ng malawakang pagbaha ang bagyong Vicky sa ilang lugar sa timog na bahagi ng bansa. Ayon naman sa ulat ng National Disaster Risk Reduction And Management Council, umabot na sa mahigit 105-milyong piso ang halaga ng mga nasira sa Caraga Region.