6,168 total views
Humiling ng panalangin ang Diocese of Kalookan para sa patuloy na misyong gagampanan ni Bishop Pablo Virgilio David na kamakailan ay hinirang bilang cardinal.
Sa pahayag ng diyosesis na sa pagkahirang bilang cardinal ay mas mapapalawig ni Cardinal-designate David ang tungkuling pangalagaan at lingapin ang kawang nasasakupan lalo’t higit ang nangangailangan.
“We believe that this new role, Bishop David will be able to offer even greater service to the Church and to the world, further advancing the mission of the Church with a preferential option for the poor,” bahagi ng pahayag ng diyosesis.
Matatandaang October 6 nang inanunsyo ni Pope Francis sa kanyang Angelus ang paglikha ng 21 bagong cardinal ng simbahang katolika na magiging katuwang sa pangangasiwa sa mahigit isang bilyong katoliko sa mundo.
Kasalukuyang nasa Roma si Cardinal-designate David para sa huling bahagi ng 16th Ordinary Assembly of the Synod of Bishops bilang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kasama sina Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara.
“We ask everyone to join us in prayer, for the success of the Synod, and also for our Bishop, that he may be strengthened and guided by the Holy Spirit in his additional new ministry as a Cardinal,” anila.
Itinakda ng santo papa ang consistory sa December 8, 2024 kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria bago ang pagbubukas sa Holy Door ng Vatican sa December 24 hudyat ng pagsisimula sa Jubilee Year celebration ng simbahan.
Sa kasalukuyan mayroong 235 cardinal ang simbahan bukod sa mga bagong hinirang ng santo papa kung saan 122 lamang dito ang cardinal electors o mga 80 taong gulang pababa.
Sa Pilipinas bagamat lima na ang cardinal tatlo lamang ang makakadalo sa conclave sina Cardinal-designate David, Cardinal Luis Antonio Tagle na kasalukuyang Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization, Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula habang sina Cardinals Gaudencio Rosales at Orlando Quevedo ay lampas na sa edad na itinakda para makilahok sa conclave.
May 27, 2006 nang hiranging Auxiliary Bishop ng Archdiocese of San Fernando Pampanga habang July 10, 2006 naman nang maordinahang obispo.
Makalipas ang halos isang dekadang paninilbihang katuwang na obispo ng Pampanga ay itinalaga ito ni POpe Francis bilang ikalawang obispo ng Diocese of Kalookan noong October 2015.