10,230 total views
Naniniwala ang dating kinatawan ng Pilipinas sa Vatican na ang pagkakatalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang bagong Cardinal ay isang ganap na pagsasabuhay sa pagkakaroon ng Simbahang sinodal.
Ayon kay former Ambassador to the Holy See Henrietta De Villa, ang pagkakatalaga kay Cardinal-elect David bilang bagong Cardinal ay isang patunay na ang Simbahan ay sadyang kaisa ng bawat isa sa lipunan.
Partikular na ikinalugod ni De Villa ang pagkakatalaga sa kasalukuyang Obispo ng Diyosesis ng Kalookan na bagamat maituturing na isang maliit na diyosesis sa bansa at naging tila sentro ng karahasan noong panahon ng War on Drugs ng pamahalaan ay hindi naisantabi at binigyang pagkilala ng Santo Papa.
Paliwanag ni De Villa, ang pagkakatalaga kay Cardinal-elect David ay isang patunay sa pakikiisa o ganap na pagiging sinodal ng Simbahan sa lipunan.
“Natuwa ako kasi para talagang ngayong with that appointment of Bishop Ambo [David] as Cardinal na ang church cares about the small ones yung peripheries nabibigyan ng halaga, nabibigyan natin ng pansin kasi who would think na ang [Diyosesis ng] Kalookan na napakaliit, I would even say that it’s in the underside of the Metropolis dahil mahirap at saka nandiyan pa nga yung before lahat yung Tokhang, yung mga EJK victims nandiyan naka-concentrate, kaya tuwang-tuwa ako na ang appointment na yan means to say that yung Synodality na ‘no one is left behind, everybody walks together’ lahat binibigyan ng pansin kahit yung maliliit nabibigyang buhay.” Bahagi ng pahayag ni De Villa sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni De Villa na siya ring national president ng Mother Butler Guild, sadyang napapanahon ang una ng tinuruan ni Cardinal-elect David na higit na pagpapaigting ng Simbahan sa misyon nito sa lipunan na mas higit na mapalapit sa kawan ng Panginoon na nahihiwalay at nawawala sa landas patungo sa Diyos.
Giit ni De Villa, hamon rin ito sa bawat layko upang higit pang maging tunay na tagapangasiwa hindi lamang ng likas na mga biyaya ng Panginoon kundi maging ng kanyang kapwa.
“As Bishop Ambo said, the church now goes out to those who don’t go to the church anymore. Ang church na ang nagre-reach-out like a mother na ang laging ang mas pinag-uukulan ng pansin, yung mga anak na may kapansanan, may sakit or yun nawawala, or yung naghihiwalay yun ang binibigyang pansin na it’s also a sign for us lay people of how we should be, welcoming, loving and not exclusive, inclusive love.” Dagdag pa ni De Villa.
Si Cardinal-elect David na kasalukuyang punong pastol ng Diyosesis ng Kalookan ay siya ring Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang magsisilbi bilang ika-sampung Pilipinong Cardinal kung saan nakatakdang isagawa ng Vatican ang consistory para sa mga bagong cardinal sa December 8, 2024 kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.