422 total views
Tiniyak ng Diocese of Malolos, Bulacan ang pagtulong at suporta sa mga masasalanta ng bagyong Ulysses na inaasahang tatama sa lalawigan.
Ayon kay Malolos Social Action Director Fr. Efren Basco, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Diocese sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang mapaghandaan ang magiging epekto ng bagyo sa lalawigan.
Inihahanda na rin ng Diyosesis ang mga tulong at pangangailangan ng mga residenteng higit na maaapektuhan ng bagyo.
Gayundin ay nakahanda ring sumuporta ang mga lokal na pamahalaan ng lalawigan at ibang simbahan para sa mga maaapektuhang pamilya.
Sinabi naman ni Fr. Boyet Valenzuela, SAC Director ng Prelatura ng Infanta, sa lalawigan ng Quezon na nararanasan na rin ang pag-uulan at pagbugso ng hangin na dala ng bagyong Ulysses.
Nakahanda na rin ang Prelatura sa mga posibleng maging epekto ng bagyo gayundin ang pagtulong sa mga residenteng higit na maaapektuhan nito.
Bilang pag-iingat, nauna nang nagpatupad preemptive evacuation ang ilang komunidad sa Camarines Norte at Catanduanes, na lubhang naaapektuhan nang nagdaang Super Typhoon Rolly.
Pinaalalahanan naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan, lalo na sa Bicol Region at mga karatig na lugar na magpatupad ng mga panuntunan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.