21,542 total views
Ikinalungkot ng EcoWaste Coalition ang nagkalat na basura sa loob at labas ng mga polling center sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa panayam ng Radio Veritas kay EcoWaste national coordinator Aileen Lucero, ilan sa mga naobserbahan ng grupo ang tambak na sample ballot at food containers sa mga polling center lalo na sa Fairview Elementary School (FES) sa Quezon City.
Iginiit ni Lucero na simula pa lamang ng kampanya ay mahigpit nang pinaalalahanan ang mga kandidato at botante na maging responsable sa mga malilikhang basura sa pangangampanya at sa araw ng halalang pambarangay.
“Nakakalungkot ang pagkakalat ng mga sample ballot sa FES at iba pang polling center, lalo na sa Metro Manila. Sa aming monitoring sa ibang lugar ay laganap rin ang pagkakalat ng mga sample ballot, mga Styrofoam food container, mga PET bottle, at iba pang single-use plastic. Sa maraming lugar ay makikita na iniwan na lamang sa bangketa ang mga pinagkainan ng mga poll watcher at iba pa,” pahayag ni Lucero.
Alinsunod sa batas ng Commission on Elections, ang pamamahagi ng sample ballot sa mismong araw ng eleksyon ay kabilang sa mga election offenses na may kaukulang parusa.
Iminungkahi naman ni Lucero na dapat nang ipatupad ang tuluyang pagbabawal sa pamamahagi ng sample ballot sa araw ng eleksyon; pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics; at ang mahigpit na pagsunod sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solidwaste Management Act.
“Para hindi na maulit ang ganitong maruming sitwasyon ay dapat 1) ipatupad ang ban sa distribution ng sample ballot sa araw ng eleksyon; 2) pairalin ang ban sa single-use plastic sa mga paaralan; at 3) mahigpit na ipagbawal ang pagkakalat alinsunod sa RA 9003 at mga lokal na ordinansa,” saad ni Lucero.
Una nang sinabi ni Capiz Archbishop Victor Bendico na kabilang sa mga dapat na maging katangian ng lingkod-bayan ang pagiging huwaran sa pagsunod at pagpapatupad ng mga batas sa mga kinasasakupan tulad ng pangangalaga sa kalikasan.