11,965 total views
Iginiit ni National Shrine of Mary, Queen of Peace o EDSA Shrine Rector Fr. Jerome Secillano na dapat manatiling buhay sa kamalayan ng mga Pilipino ang diwa ng mapayapang rebolusyon.
Sinabi ng pari na kailanman ay hindi dapat makalimutan ang pagbubuklod ng mga Pilipino noong 1986 na nagpamalas sa buong mundo ng pagkakaisa, katapangan at paninindigan para ipaglaban ang karapatan ng mamamayang mamuhay ng mapayapa, maunlad at malaya.
“Ito ay isang tagumpay na dapat ipinagdiriwang at hindi pangyayaring binabalewala at kinakalimutan ng sambayanan,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Sa ika – 39 na anibersaryo ng EDSA People Power ay tiniyak ni Fr. Secillano na patuloy isusulong ng EDSA Shrine ang mga pagkilos upang manatiling buhay sa mga Pilipino lalo na sa bagong henerasyon ang diwa ng EDSA.
Apela ng pari sa mga Pilipino na ipagdiwang ang tinaguriang bloodless revolution sa mundo dahil ito ay paghahayag ng pananampalataya at pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
“Bilang mga Pilipino, sama-sama nating ipagdiwang ang Piyesta ng Edsa, ang piyesta ng pagkaka-isa, kapayapaan at pananampalataya,” dagdag ni Fr. Secillano.
Kaugnay nito inaanyayahan ni Fr. Secillano ang mamamayan na makiisa sa mga gawain ng national shrine sa February 21 sa isang overnight vigil na magsisimula sa alas singko ng hapon hanggang alas 12:15 ng tanghali ng February 22 sa karangalan ng Mahal na Birhen ng Fatima ang koronadang imahen na tangan ni Cardinal Jaime Sin sa prusisyong ginanap patungong Camp Crame noong People Power.
Magkakaroon din ng Public Recitation of the Rosary sa February 22 sa alas 7:30 ng gabi sa harapan ng EDSA Shrine bilang paggunita sa libu-libong Pilipino na humarap sa tangke at mga sundalo noong 1986 habang nananalangin ng Santo Rosaryo.
Sa February 23 naman pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagtatalaga ng Pilipinas sa Mahal na Birheng Maria, Reyna ng Kapayapaan sa alas sais ng gabi.
Sa araw ng kapistahan sa February 25 magkakaroon ng fiesta masses sa alas siyete at alas 10 ng umaga, alas 12 ng tanghali, alas kuwatro ng hapon habang concelebrated mass naman sa alas sais ng gabi na pangungunahan ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo.
Sa kasaysayan, malaking papel ang ginampanan ng Radio Veritas sa matagumpay na EDSA People Power Revolution makaraang manawagan sa publiko si dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na magtungo sa EDSA upang wakasan ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Samantala, ngayong ipinagdiriwang ng simbahan ang Jubilee Year, itinalaga ng Archdiocese of Manila ang EDSA Shrine bilang jubilee church para sa Armed Forces, Philippine National Police, security personnel, politicians at government employees.