8,009 total views
Mariing kinondena ni Franciscan priest, Fr. Angel Cortez, co-executive secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), ang P400-milyong bawas sa alokasyon para sa mga katutubo.
Ayon kay Fr. Cortez, ito’y isang malaking kahibangan, lalo’t ang mga katutubo ang itinuturing na likas na tagapangalaga ng kalikasan.
Aniya, napakalaking halaga ng pondo ng pamahalaan ang nasasayang o napupunta sa mga hindi makabuluhang gastusin, ngunit ang maliit na pondong inilaan para sa mga katutubo ay nais pang bawasan.
Magugunita noong February 11 nang ihayag ni dating National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) chairman Allen Capuyan, ang mariing pagkondena sa P400 milyong bawas sa pondo ng NCIP sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
“Kaya ang panawagan natin sa gobyerno, sana huwag naman silang [mga katutubo] tapyasan ng budget kasi ang dami ngang mga budget napunta sa wala. Ang daming mga budget hindi maipaliwanag. Pero ito, kakarampot na budget, aagawin pa natin sa mga katutubo,” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, binanggit din ng pari na isa sa pinakamalaking hamon para sa mga katutubong pamayanan ay ang pangangalaga sa kanilang mga lupaing ninuno na patuloy na nahaharap sa banta ng mapaminsalang proyekto sa ngalan ng pag-unlad.
Dagdag pa rito, inilahad ni Fr. Cortez na ang mga katutubo ay hindi lamang nakararanas ng kakulangan sa suporta kundi pati na rin ng diskriminasyon dahil sa kulay, hitsura, at pananalita.
Nanawagan ang pari na bigyang-pansin at pakinggan ang mga hinaing ng mga katutubo, sapagkat sila ang patuloy na nangangalaga at nagbabantay sa kalikasan—isang tungkuling hindi na nagagampanan ng karamihan.
“So, ngayon na meron tayong kamalayan, lalong-lalo na ipinagdiriwang natin ‘yung kamalayan para sa mga katutubo. Hindi lang sila pakinggan, kundi unawain at kung kailangang yakapin natin sila katulad ng pagyakap natin sa ebanghelyo, gawin natin dahil ito ‘yung panawagan ni Kristo,” giit ni Fr. Cortez.
Sa mensahe sa ikapitong Indigenous Peoples’ Forum (IFAD) sa Roma noong February 10-11, hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang lahat ng pamayanan na magkaisa sa pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo.
Ayon sa datos ng United Nations, tinatayang may mahigit 17 milyong katutubo sa Pilipinas mula sa 110 ethnolinguistic groups, na karamiha’y nahaharap sa malaking hamon ng pagkawala ng mga lupaing ninuno dahil sa malawakang pagpapaunlad sa mga kanayunan.