144 total views
Positibo ang pagtanggap ng mga Anti-Mining Advocates sa mabilis na pagtugon ng bagong pangulo sa kanilang hiling na muling suriin at pag-aralan ang lahat ng minahan sa bansa.
Ayon kay Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina (ATM), ikinagagalak nito ang mabilis na pagtupad ni President Rodrigo Duterte sa kanyang mga ipinangako sa usapin ng kalikasan noong panahon ng kampanya.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan at nagbibigay ng mga pagaaral ang ATM na makakatulong sa mabilis na pagsisiyasat ng pamahalaan sa mga minahan sa bansa.
“Ikinagagalak naman na may malinaw na paninindigan si presidente Duterte sa pagmimina at bukas kami na makipagtulungan sa kanya. Ngayon ipinapaalala namin sa kanya yung kanyang mga ipinangako noong kampanya at mukha namang sa katauhan at karakter nya ay hindi naman sya babaliktad duon sa kanyang mga ipinangako. So, inaasahan namin yan at mananatili kaming mapagmatyag at sasamahan namin yung mga pagbabago na gusto nyang ipatupad sa mga issue ng kalikasan lalo na nga sa pagmimina,” pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan, patuloy na sinusuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahigit 100 mining permits na inilabas ng nagdaang administrasyon.
Kasabay nito, nagsasagawa rin ng assessment ang ahensya sa mahigit 40 minahan na kasalukuyang may operasyon sa bansa.
Sa Ensiklikal na Laudato Si, kinondena ni Pope Francis ang mapang-abusong pagmimina na isinasagawa ng mga multinasyonal na kumpanya mula sa mga maunlad na bansa o First World Countries, sa mahihirap na mga bansa tulad ng Pilipinas.