156 total views
Hinimok ni Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang mga kandidato na gamitin ang pagkakataon ngayong Kwaresma upang suriin ang kanilang konsensya at tunay na intensyon sa pagnanais na maglingkod sa bayan.
Paliwanag ng Pari, napakahalaga para sa mga lingkod bayan na magsisilbi sa pinakamatataas na posisyon sa pamahalaan na magkaroon ng isang malinaw at dalisay na dahilan sa pagnanais na malukluk at magsilbi sa lipunan.
“una siguro na dapat tingnan nila dito ay yung pagkakaroon ng examination of conscience, kailangan ma-purify nila yung kanilang intention, motivation. Talaga bang nagnanais sila na makatulong sa taumbayan, sa bansa o nagnanais lang sila na magkaroon ng kapangyarihan para ang tulungan nila ay ang sarili at pamilya? Examination of Conscience is a must for them…” pahayag Father Secillano sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ukol sa politika ang seryoso at kawalan ng sariling interes ng bawat kandidato sa posisyon at kapangyarihan upang tunay na mapaglingkuran ang taumbayan ng tapat at dalisay.
Ayon nga sa Kanyang Kabanalan Francisco, kailangang unahin ng mga politiko at opisyal ng pamahalaan ang kapakanan ng taong bayan at maging kalikasan at huwag magpasilaw sa anumang uri ng yaman, kung saan maihahalintulad aniya ang korupsiyon o katiwalian sa isang sakit na nagpapabulok sa bahagi ng katawan ng isang tao.
Dahil dito, hamon ni Pope Francis sa mga politiko na wakasan ang kahirapan na nakaugat sa yamang dapat tinatamasa ng bawat isa sa lipunan.
Samantala, batay sa isinagawang pag-aaral ng IBON Foundation, umaabot sa 2-trilyong piso sa loob ng tatlong taon ang nasasayang na buwis ng mga mamamayan dahil sa katiwalian sa pamahalaan.