10,813 total views
Kasalukuyang nasa Indonesia ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pagsisimula ng kanyang ika – 45 Apostolic Journey.
Dumating ang santo papa sa Jakarta Soekarno-Hatta International Airport lulan ng papal flight ng ITA-Airways kasama ang ilang mamamahayag.
Kabilang sa delegasyon si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization ng Vatican.
Bagamat tatlong porsyento lamang o walong milyon ang katoliko sa Indonesia makabuluhan ang pagbisita ni Pope Francis lalo na sa isasagawang interreligious meeting sa Istiqlal Mosque gayundin sa Tunnel of Friendship.
Makipagpulong din ang santo papa kay Indonesia grand imam Nasaruddin Umar na dadalo sa interfaith gathering gayundin ang pagdiriwang ng banal na misa sa Gelora Bung Karno Stadium complex kung saan tinatayang 80-libo ang inaasahang dadalo.
Nagagalak din si Jakarta Archbishop Cardinal Ignatius Suharyo Hardjoatmodjo sa pagbisita ni Pope Francis ang ikatlong santo papa na dumalaw sa bansa mula kay St Pope Paul VI noong 1970 at St. Pope John Paul II noong 1989.
Binigyang diin ng cardinal na napapanahon ang motto ng papal visit na ‘Faith, Fraternity, Compassion’ dahil sa magkakaibang pananampalataya, kultura at tradisyon ang mamamayan ng Indonesia.
Ito na ang pinakalamayo at pinakamahabang paglalakbay ni Pope Francis dahil sa loob ng 12 araw kung saan bukod sa Indonesia ay kabilang din sa Asia Pacific journey ng pinunong pastol ng mahigit isang bilyong katoliko ang mga bansang Papua New Guinea, Timor Leste, at, Singapore.