27,407 total views
Naniniwala ang lider ng Baclayon Bohol na makatutulong sa paglago ng pananampalataya ang pagdalaw ng mga Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa naturang bayan.
Ayon kay Mayor Alvin Uy magandang pagkakataon ang pagdalaw ng mga obispo upang muling mapaigting ng kristiyanong pamayanan sa lugar ang kanilang pananampalataya batay sa inspirasyong makikita sa pagiging masigasig ng mga pastol ng simbahan.
Umaasa ang alkalde na mas mapalalim pa ng mamamayan ang pananalig sa Diyos lalo na sa pagdalaw ng humigit kumulang 100 obispo.
“It could help promote the catholic faith and encourage the catholic faith to do more. You can see the passion of the bishops to do more for the catholic faith, and from that it will encourage all of us because most of the Baclayanons are religious talaga, majority catholics,” pahayag ni Uy sa Radyo Veritas.
Sa ikatlong araw ng pagtitipon ng CBCP kasama ang mga delegado ng National Synodal Consultations ay dinalaw ng delegasyon ang Immaculate Conception Parish o mas kilalang Baclayon Church kung saan pinangunahan ni Uy ang pagtanggap sa mga bisita kasama Fr. Nino Maconrey Supremo ang kasalukuyang kura paroko ng Baclayon Church.
Bukod sa paglago ng pananampalataya naniniwala rin si Uy na matulungang higit na lumago ang faith tourism ng bayan lalo’t ang Baclayon Church ang kinilalang ikalawang pinamatandang simbahang bato sa bansa.
“Malaki ang posibilidad na matulungang umunlad ang faith tourism sa pagdalaw ng mga obispo,” ani Uy.
Dagdag pa ng alkalde bukod sa luma at makasaysayang simbahan ng bayan ay tanyag din sa lugar ang Pamilacan Island tampok ang whale watching activities.
Gayundin ang iba pang tourism sites lalo na ang mga luma at makasaysayang simbahan ng Bohol.
Dumalo rin sa pagtitipon ang Filipino-Chinese Community ng Tagbilaran City gayundin ang iba pang lokal na opisyal na Baclayon na buo ang suporta sa mga gawain ng simbahang katolika.