15,568 total views
Nanawagan ang Order of Friars Minor (Franciscans) – Philippines ng pagkilos para sa pangangalaga sa kalikasan, katarungan, kapayapaan, at pagbabalik-loob sa Ebanghelyo, kasabay ng pagdiriwang sa Kapistahan ni San Francisco ng Assisi.
Ayon kay OFM Minister Provincial Fr. Lino Gregorio Redoblado, natatangi ang pagdiriwang ngayong taon dahil kasabay ng Jubilee of Hope ng Simbahan, ay ang pagtatapos ng sentenaryo ng Canticle of the Creatures, at ang pagsisimula ng paghahanda para sa ikawalong sentenaryo ng Transitus o pagpanaw ni San Francisco sa 2026.
“These significant events call us to gratitude, reconciliation, and renewed commitment to the Gospel,” pahayag ni Fr. Redoblado.
Binigyang-diin ni Fr. Redoblado na kahit lumipas na ang pandemya, nananatili ang pinsala ng kahirapan at kawalan ng tiwala, lalo na dahil sa katiwalian na umuubos sa pondong dapat nakalaan para sa mahihirap.
Tinukoy ito ng pari bilang “spiritual leprosy of indifference” o pagiging manhid sa pagdurusa ng kapwa.
“As Franciscans, we are called to solidarity with the poor, to transparent stewardship of resources, and to courageous denunciation of corruption. Our fraternal life must be a sign that honest service and shared poverty are not only possible but joyful,” ayon sa pari.
Kaugnay nito, tinukoy din ni Fr. Redobaldo ang mga digmaan at alitan sa loob at labas ng bansa, gayundin sa pamilya at pamayanan.
Paalala ng pari na katulad ni San Francisco na tumawid sa hanay ng mga kaaway upang maghandog ng kapayapaan, hamon sa bawat Kristiyano na magsimula ng pagkakasundo sa pamamagitan ng pag-uusap at pagpapatawad.
Dagdag pa rito, hinimok ng pinuno ng mga Franciscano sa Pilipinas ang lahat na isabuhay ang ekolohikal na pagbabalik-loob at maging tagapagtanggol ng kalikasan at mahihirap.
Katulad ni San Francisco na umawit ng papuri sa Diyos kahit sa gitna ng karamdaman, paanyaya ni Fr. Redoblado na maging saksi rin ng pag-asa kay Kristo sa pamamagitan ng paggagamot ng sugat, pagbubuo ng kapayapaan, at pagkalinga sa sangnilikha.
“Let us renew our commitment to live as pilgrims of hope, healing wounds, reconciling enemies, and caring for creation,” tagubilin ni Fr. Redoblado.




