
Homily fot the Feast of the Queenship of Mary, 22 Aug 2025, Lk 1:26-38
May isang Marian song, parang oyayi ang dating. Pakiramdam ko parang pinaghehele ako. At ito ang musikang gumabay sa imahinasyon ko kaninang umaga habang nagninilay sa larawan ng Mahal na Ina: “Gentle woman,
Quiet light
Morning star,
So strong and bright
Gentle Mother,
Peaceful dove
Teach us wisdom,
Teach us love.”
Parang binuksan ng kanta ang aking imahinasyon sa panalangin kaninang umaga. Ang unang nakita ko ay eksena sa Nazareth, takipsilim.
Tahimik ang bahay. Isang kabataang babae, nagtutupi ng damit, bumubulong ng dasal na natutunan sa nanay niya. Walang spotlight. Walang drumroll. Dumating ang anghel. Hindi sumigaw si Maria. Nakinig siya at nagtanong, at pagkatapos magnilay, binitawan ang tahimik na fiat: “Mangyari nawa.”
Ganito kung sumikat ang liwanag ng Diyos—hindi maingay, pero malinaw. Sa sobrang ingay ng mundo, baka ang kailangan natin ay hindi sigaw, hindi malakas na boses, kundi tahimik at mahinahong pakikinig: sa Salita, sa kalooban, sa isa’t isa. Ito ang unang itinuturo sa atin ni Maria: ang pagtalima ay nagsusimula sa pakikinig.
Pangalawang eksena: sa Judea, sa bandang gitna ng umaga.
Nagdadalang-tao na si Maria. Nagmamadali siyang bumisita kay Elizabeth. Walang sermon, walang programa—isang simpleng presensya. Pero pagdating niya, sumiklab ang tuwa; tumalon ang bata; napuno ang bahay ng pag-asa.
Ito sng kasunod na pahayag ng kanta: “Morning star… so strong and bright.”
Ganyan ang pag-asa. Minsan hindi naman diskurso ang kailangan; kundi simpleng pagdating o pag-antabay. Isang simpleng “Kumusta?” Isang yakap. Isang mangkok ng mainit na lugaw. Isang bukas na kamay na ang mensahe ay, “narito ako”.
Pangatlong eksena, sa kasalan sa Cana, Galilea. Tawanan, tugtugan—tapos biglang panic. Naubusan ng alak. Nakakahiya. Walang himalang dramatic na gagawin si Maria; walang eksena. Mahinang bulong lang: “Wala na silang alak.” At sa mga katulong: “Gawin ninyo ang sasabihin Niya.”
Ito ang kasunod na linya ng kanta: “Teach us wisdom, teach us love.”
This is Mary’s wisdom: she notices the lack and brings it to Jesus. Hindi tsismis—intercession. Hindi panggugulo—pag-aayos. At kapag sinabi Niya, “Fill the jars,” we fill them, kahit ordinaryo, kahit nakakapagod. Because ordinary obedience often becomes extraordinary grace.
Pang-apat na eksena, Golgotha, malapit na ang gabi.
Wala nang alak; umaagos ang luha. Sa paanan ng Krus, nananatili si Maria. Walang spotlight dito; only faith that doesn’t run away. Dito tayo ginawang pamilya: “Behold your mother… behold your son.”
Balik tayo sa kanta:
You were chosen
By the Father
You were chosen
For the son
You were chosen
From all women
And for woman
Shining one
Pinili si Maria hindi para sa pedestal, kundi para sa paglilingkod na nagtatagal. Kapag tayo ay “pinili”—magulang, guro, lider, pari o madre—hindi ito status; ito ay pagkakatiwala. The question is never “How do I look?” but “Sino ang ipinagkatiwala sa akin ngayon, at paano ko dadalhin si Jesus sa kanila?”
Huling eksena: Pentecostes, upper room.
Tahimik na dasal, sabay-sabay. Si Maria naroon, hindi bida, pero kasama. Dumating ang Espiritu—apoy sa mga dila, tapang sa mga puso. Dito ko mas naintindihan ang “quiet light”: hindi kahinaan; ito ang lakas ng pusong marunong makinig kaya handang sumunod.
Mga kapatid, si Maria ang tahimik na liwanag na nagtuturo kay Kristo, ang tala ng umaga na nauuna sa pag-asa, ang ina na hindi umaalis kahit sa paanan ng Krus. Hingin natin ang kanyang puso—hindi para sa atin lang, kundi para kay Jesus, para sa mga kabataan, sa mahihirap, at sa ating bayan.
“Gentle woman, quiet light… Morning star, so strong and bright… Gentle Mother, peaceful dove… Teach us wisdom, teach us love.”
Amen.






