502 total views
Inilunsad ng University of Santo Tomas Faculty of Medicine and Surgery (UST FMS) ang isang capital campaign kasabay ng pagtatapos sa paggunita sa kanilang ika-150 anibersaryo.
Ito ay ang “Go Further: Beyond 150 Years – A Capital Campaign” na ginanap sa Buenaventura Garcia Paredes, O.P. Building, upang suportahan ang proyektong makakatulong sa pagpapabuti sa edukasyon at pangangailangan ng medical students ng pamantasan.
Pinangunahan ito ng Anargyroi FMS Foundation, Inc. (AFI) na nilalayong makapangalap ng 1.2-bilyong pisong pondo upang maipatayo ang Henry Sy Sr. Hall na magiging lugar ng Sts. Cosmas and Damian Simulation Laboratory and Research Center.
Ayon kay UST FMS Dean at AFI President Dr. Ma. Lourdes Maglinao na ang itatayong state-of-the-art building ay inaasahang matutugunan ang mga pangangailangan upang patuloy na mapaunlad at mapabuti ang medical education ng pamantasan sa modernong panahon.
“The Henry Sy Sr. Hall is yet another milestone securing the UST Faculty of Medicine and Surgery a relevant and significant spot in Catholic medical education in the country, in the region, and in the world,” pahayag ni Maglinao.
Hinikayat naman ni AFI Fundrasing Committee Chairman Dr. Charles Cuaso ang FMS alumni at iba pang donors na patuloy na suportahan ang proyekto upang maisakatuparan ang hangarin ng UST FMS.
“It is indeed very challenging to solicit donations. I must admit, however, I do it because I love my Alma Mater… Join me, join us for together we have no reason not to be able to go further,” saad ni Cuaso.
Samantala, saksi rin sa pagpapasinaya sina UST FMS Regent Fr. Angel Aparicio, OP; UST Rector Very Rev. Fr. Richard Ang, OP, at AFI Development Office Executive Director Assistant Professor Anna Maria Gloria Ward.
Gayundin ang mga kinatawan mula sa Henry Sy Foundation, Starkey Hearing Technologies, UNILAB, FMS Class of 1986, UST Medical Alumni Association, Drs. Peter and Linda Fang, at AFI beneficiaries.
Sa kasalukuyan, nakapangalap na ang foundation ng higit sa P600-milyong pondo para sa proyekto.
Itinatag ang UST FMS noong 1871 at itinuturing na una at pinakamatandang paaralan ng medisina sa Pilipinas na nakalikha na ng higit sa 40-libong mga doktor.