2,368 total views
Pinaalalahanan ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na ang kaligtasang handog ng Diyos ay tanda ng Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat ng tao.
Sa kanyang general audience sa St. Peter’s Square sa Vatican, ipinagpatuloy ng Santo Papa ang kanyang katesismo hinggil kay Jesus bilang tunay na pag-asa ng sanlibutan, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Jubilee of Hope ng Simbahan.
Hinimok ni Pope Leo XIV ang bawat Kristiyano na maging kasangkapan ng Diyos sa pagpapadama ng pag-asa at pagmamahal, lalo na sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.
“God’s saving love is for everyone, no exceptions. May the Lord free us from all selfishness and division and renew us in hope that we may faithfully imitate his generous love for all people,” ayon sa Santo Papa.
Binigyang-diin ng santo papa na mahalagang magbuklod ang mga Kristiyano sa diwa ng pag-ibig at pagtutulungan, at huwag talikuran ang mga kapwa nangangailangan.
“As brothers and sisters in Christ, we build bonds of unity and trust when we support each other and do not turn our backs on those in need,” dagdag pa ni Pope Leo XIV.
Iginiit ng Santo Papa ang halimbawa ni San Francisco ng Assisi, na tumuturing sa lahat bilang kapatid at naniniwalang bawat tao ay may parehong pangangailangan, ang ang paggalang, pagtanggap, pakikinig, at kaligtasan.
Bilang pagninilay, inalala ni Pope Leo XIV ang mga lugar sa mundo na patuloy na nakararanas ng karahasan at pagdurusa, lalo na ng mga inosenteng sibilyan, kabataan, at mga kabilang sa mahihinang sektor.
Nanawagan ang Santo Papa na pairalin ang diwa ng pag-ibig at pagkakaisa sa mga pamayanan upang makamit ang tunay na kapayapaan ng lipunan.




