51,169 total views
Inaanyayahan ng Radyo Veritas 846 ang lahat ng Kapanalig na makibahagi sa special programming na inihanda ng himpilan bilang pagdiriwang ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa November 1 at 2.
Layunin ng programa na palalimin ang pag-unawa ng mga mananampalataya sa mga katesismo at turo ng simbahan hinggil sa kabanalan, kamatayan, at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng mga talakayan at paliwanag mula sa mga exorcist ng simbahan.
Sa Nobyembre 1, tatalakayin ni San Pablo Exorcist Fr. Remo Bati kasama si Fr. Kevin Crisostomo ang paksang “Suicide: Sigurado ba silang pupunta sa impyerno? – Ano ang turo ng simbahan ukol dito?” mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Kasunod nito, sa alas-12 hanggang ala-1 ng hapon, isasagawa ang Banal na Misa na pangungunahan ni Fr. Anton Pascual sa Loyola Cemetery, Marikina City, na susundan ng mga awitin at panalangin para sa mga yumao at mga banal hanggang alas-2 ng hapon.
Mula alas-3 hanggang alas-4 ng hapon, ipaliliwanag naman ni Cabanatuan Exorcist Fr. Jestoni Macaspac ang paksang “House Infestation and Wandering Soul.”
Samantala, sa Nobyembre 2, magaganap mula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali ang talakayang “Spiritual Warfare and Protection” ni Manila Exorcist Fr. Jocis Syquia.
Susundan ito ng paksang “Bakit dalawang araw ang paggunita sa mga yumao? Totoo bang nagpaparamdam ang mga yumao?” na ibabahagi ni Bayombong Exorcist Fr. Vincent Wance mula ala-1 hanggang alas-3 ng hapon.
Sa alas-3 hanggang alas-5 ng hapon, si Manila Exorcist Fr. Bobby Dela Cruz naman ang tatalakay sa “Epekto ng Pagpapatawad sa Exorcism.”
Sa kabuuan, layunin ng Radyo Veritas 846 na maghatid ng kaliwanagan at tamang katuruan ng simbahan hinggil sa paggunita sa mga yumao at sa kabanalan ng mga santo, bilang gabay sa pananampalatayang Kristiyano.
Mapakikinggan ang special programming sa Radyo Veritas 846 sa mga talapihitan ng radyo, Cignal Cable Channel 313, at E-Radio Portal; habang mapapanood naman ito sa DZRV 846 Facebook Page, Veritas TV Sky Cable 211, at Veritas PH sa YouTube.




