631 total views
H.E. Luis Antonio Cardinal Tagle
Archbishop of Manila
Traslacion Homily
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, tayo po ay magpasalamat at magpuri sa Diyos sumapit na naman ang pagdiriwang ng Traslacion. Nagpapasalamat tayo sa magandang panahon at presensya ng bawat isa. Papurihan po natin ang bawat isa.
Sa ating pong pagtitipon na puno ng pananalangin, pasasalamat atin pong alalahanin na sa ilang bahagi ng ating mundo ay nag-aamba ng panganib, ng karahasan. At harinawa ay huwag mauwi sa giyera, sa digmaan.
Ipanalangin po natin na maging ligtas ang ating mga kapwa sa Middle East, humupa ang mga pagnanais na sirain ang kapwa humupa ang mga hangarin na maghiganti. At ipinalanagin natin ang ating kapwa Filipino ang kanilang mga pamilya dito na nangangamba.
Inaanyayahan ko po kayo na tumahimik ng sandali at mag-alay ng panalangin para sa kapayapaan…
Mga kapatid, taon-taon ang ating Traslacion ay mayroong tema. Bagama’t ang mga pagbasa ay hango taon-taon sa kapistahan ng pagtatampok o tagumpay ng krus ni Hesus may tema na ating sinusundan. Ano po ang tema na sinusundan ng Traslacion 2020—‘Iba’t-ibang Kaloob, isang Debosyon, tungo sa isang Misyon’. Naririnig ko ang tinig ni Bishop Tony Tobias ang bishop emerito ng Diocese ng Novaliches. Salamat Bishop. Kasama rin natin ang kapwa Filipino na obispo sa Alutao, Papua New Guinea si Bishop Rolly Santos ng Vincentian, at ang ating auxiliary bishop ng Lingayen-Dagupan si Bishop Fidelis Layug at ang dami po nating kasamang mga pari, religious galing sa iba’t ibang diyosesis, religious orders, lalu na ang mga layko na naglilingkod sa iba’t ibang parokya, at ministry sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Tayo ay natitipon dahil sa ating debosyon kay Nuestro Padre Hesus Nazareno—
‘Iba’t-ibang Kaloob, iisang Debosyon, tungo sa Iisang Misyon’-ano ang tatlong salita na key words sa ating tema? Kaloob, Debosyon, Misyon!
Pinagnilayan ko po ito batay sa ating mga pagbasa at ang aking atensyon ay natutok kay Hesus. Siya naman ang sentro ng ating pagdiriwang si Hesus na taga-Nazareth, papano Niya isinabuhay ang ating tema. Simulan ko po sa ikalawang salita—Debosyon, ibig sabihin loyalty kapag sinabi ko I am devoted to you, ibig sabihin nyan loyal ako sa ‘yo. Loyalty na ipinapakita sa isang parang pagtataya ng sarili, para ngang panata kaya ang salitang devotion ay may ugat na ‘vow’ ako ay nagpanata pero hindi ka naman namamanata sa tao na hindi ka nakakaranas na ako ay magiging tapat sa taong ito.
At kay Hesus ayon sa mga pagbasa lalu na sa ikalawang pagbasa ang Kaniyang loyalty ay sa Diyos Ama. Mayroong Siyang debosyon sa Diyos na tinatawag Niyang Ama. At ayon kay San Pablo ang Kaniyang debosyon sa Ama ay ipinakita Niya sa pagiging masunurin sa Ama hanggang kamatayan. Hindi lamang ito kamatayan para kay Hesus ang kamatayan Niya ay bunga ng Kaniyang debosyon pagiging tapat, masunurin sa Ama.
Pero, sinabi rin sa ebanghelyo na si Hesus ay may debosyon-loyalty sa kapwa tao, sa atin. Sa katunayan hinubad Niya ang katangian ng pagiging Diyos para maging kapiling natin, maging kaisa natin. Debosyon ni Hesus sa Diyos, debosyon Niya para sa atin. At dahil sa debosyon Niya sa kapwa-tao, binitiwan Niya ang Kaniyang karangalan para lamang makapiling tayo. Debosyon hindi obligasyon!
Debosyon, hindi obligasyon! Ang tao na kumikilos dahil lang sa obligasyon-masama ang loob, mabigat ang loob. Gagawin nga ang isang bagay kaladkad ang paa. Sino dito ang mga estudyante, nag-aaral ba kayo? Ano yun obligasyon o debosyon? Sana debosyon, paggising sa umaga… Salamat Lord, papasok na naman ako. Salamat Lord mayroong eksamen, mag-aaral na naman ako. Ganun kayo dib a?
Mga pari nagmimisa kayo no, obligasyon o debosyon? Nagdadasal ba tayong lahat, obligasyon o debosyon? Mga may asawa, nagtatrabaho, nagpapagal, bubuhayin ang pamilya –hindi masama ang obligasyon pero kapag walang debosyon aha! Kapag nakatalikod ang asawa parang nakawala. “Salamat na lang nagbakasyon ang asawa ko hindi ako nakikita. Kaya laging sinasabi na magbakasyon ka kaya, magpahinga ka para maputol ang obligasyon”.
Mga kapatid, debosyon at iisa ang debosyon. Debosyon na ipinakita ni Hesus, debosyon sa Diyos debosyon sa kapwa. At kahit na hindi ako inaasahan ng obligasyon kapag ako ay devoted gagawin ko, kahit hubarin ang karangalan at susunod dahil ang Ama ko ang nagsabi.
Uuwi ‘yan sa ikalawang salita na nasa ikatlo ng ating tema, Misyon! Sabi po sa ebanghelyo si Hesus ay ipinadala ng Ama, isinugo ng Diyos ang Kaniyang Anak si Hesus ay may misyon sa Ama. Bakit isinugo ng Diyos ang anak, sabi po dito gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong Anak. Ganiyan na lang ang debosyon ng Diyos Ama sa atin pati ang Kaniyang bugtong na Anak, ibinigay Niya. Ang misyon ni Hesus ay bunga ng debosyon at pagmamahal ng Ama sa atin kaya naman ang misyon ni Hesus ay gayundin, pumarito si Hesus upang hindi hatulan, maparusahan ang sanlibutan. Naparito si Hesus para iligtas ang sanlibutan. Naparito si Hesus upang ang mga sumasampalataya sa Kaniya ay hindi mapahamak. Hindi misyon ni Hesus ang magpahamak, ang kaniyang misyon magkaroon ng buhay na walang hanggan ang sanlibutan. Hindi kapahamakan kundi buhay. Hindi kaparusahan kundi pagliligtas. ‘Yan ang misyon ni Hesus ay pinangatawanan Niya ‘yan kahit Siya magpasan ng Krus. Ang krus na pinasan Niya doon din Siya ipinako at namatay.
Pero bakit natin sinasabing nagtagumpay ang Krus ni Hesus samantalang parang natalo Siya? Kung titingnan natin ang Krus ni Hesus, hindi lamang po ito pagdurusa ang nagtagumpay sa krus ay ang pag-ibig Niya. Pag-ibig na tatahakin lahat, babatahin lahat, susuungin lahat ‘wag lang mapahamak ang kapwa, magkaroon sila ng buhay kahit na ako ang mamatay.
Wala ng pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang tao na handang mag-alay ng buhay para sa kaibigan. Iyan ang nagtatagumpay sa Krus ni Hesus. Tagumpay ng pag-ibig laban sa pagpapahamak sa kapwa. Tagumpay ng pag-ibig para mabuhay ang kapwa. Tagumpay ng pag-ibig para maligtas ang kapwa.
Mga kapatid, tularan natin ang misyon ni Hesus. Sa pagtulad natin sa debosyon ni Hesus, wagas na pag-ibig ‘yan din ang ating misyon hindi tayo dapat maging daan ng kapahamakan, kasiraan ng kapwa. Ang tunay na deboto ni Hesus, daan ng buhay, daan ng pagliligtas sa atin dapat nagsisimula ang tagumpay ng pag-ibig.
Mga kapatid, kung nararanasan ninyo ang naranasan ni Hesus, hinahamak-hamak ka mahalin mo ang humahamak sa iyo at pag minahal mo ikaw ang mas marangal. Pero kapag hinamak mo ang humamak sa ‘yo talagang ibinababa-baba mo na ang sarili mo. Sinasaktan ka? mahalin mo yakapin mo at sabihin mo mahal kita! At ikaw ang magiging ganap. Pero kung mananakit ka, sa nanakit sa ‘yo ikaw na ang nanakit sa sarili mo rin. Ang misyon natin kahit ano ang pinagdadaanan, magwagi ang pagmamahal.
Ang ikatlong salita na nalalabi ay Kaloob, iba’t ibang kaloob. Iba’t ibang gifts, talino at iba’t ibang biyaya galing sa Diyos. Pero ‘yan ay makikita rin natin kay Hesus ang kaniyang debosyo at ang kaniyang misyon ginawa Niya sa iba’t ibang mga pamamaraan. Naipakita ni Hesus na marami rin Siyang iba’t ibang kaloob at tulad natin iba’t-iba ang kaloob. Halimbawa, si Hesus noong bata, bata pa lang 12 anyos mmayroon na Siyang kaloob na maging gala, gala ng gala. “Sa mga kabataan dito, sino ang may kaloob, gift, talent na parang ang kati-kati ng paa gusto ay gala nang gala taas ang kamay? Kasi ang iba ang gift ay manatili, hindi gumagalaw. ‘Yung iba naman ang gift nila sige gala kailangan natin ang kaloob na ‘yun, yung gala. “Taas nga uli ayon ang daming gala! Gamitin mo yang kaloob na yan, huwag kang gala nang gala sa mall.”
Kung may debosyon ka at may misyon, tularan si Hesus gamitin mo ‘yang gala mo, pumunta ka sa Quiapo church. Pumunta ka sa parokya ninyo dyan ka gumala. Gumala ka sa bible study, gumala ka sa orphanage, gumala ka sa home for the aged. Dumalaw ka sa mga may sakit, dyan ka gumala. Yang kaloob mo gamitin sa debosyon at misyon.
Ilan po sa atin dito na may kaloob na medyo magaling magsalita, may bokadora? “Huwag na po mahiya, taas ang kamay na may kaloob na yan? Kung meron kang kaloob na magaling kang magsalita, gamitin mo yan wag sa pambobola, huwag sa manipulasyon ng katotohanan, huwag para manlinlang ng mga nililigawan mo tapos ay iiwanan mo pala. Huwag mong gamitin ‘yan sa ganiyang paraan. Gamitin mo ang kaloob mo na mahusay kang magsalita, ipahayag mo ang katotohanan. Ipahayag mo ang salita ng Diyos katulad ni Hesus, kapag ibinuka ang bibig laging ang narinig Niya sa Ama ang Kaniyang ipinahihiwatig. “Sino sa inyo ang marunong at masarap magluto, ayun meron doon.” Si Hesus marunong din, nung Kaniyang muling pagkabuhay naghanda siya Barbeque party para sa Kaniyang mga alagad at bago Siya namatay, naghanda ng hapunan. “Marunong ka palang magluto, ‘wag ka lang magluto ng magluto para sa mabusog ang sarili mo. Mag-volunteer ka sa Hapag-asa feeding program ng inyong parokya. Birthday mo, magluto ka ng pansit dalhin mo sa jail magpakain ka ng mga walang dumadalaw. Si Hesus sa limang tinapay at dalawang isda nakapagpakain ng libo-libo, mahusay Siyang maghanda ng pagkain.
Debosyon, misyon! “Huling tanong, ilan sa atin ang may gift na maganang kumain? Naku, lahat yata o lahat may gift maganang kumain. Alam ninyo ang ibang tao, walang ganang kumain kapag may gana kayo, praise the Lord! Si Hesus maganang kumain, di ba kaya Siya pinulaan eh. Si Juan Bautista daw hindi kumakain hindi umiiinom. Si Hesus laman ng mga bahay, kain nang kain. Gift ‘yun. Pero sabi ni Hesus na ang Kaniyang pagkain ay ang Salita ng Diyos. Mahilig ka sa lechon sana mas mahilig kang kumain ng Salita ng Diyos. Nauuhaw ka sa tubig at iba pang tubig na may kulay. Sana mas mauhaw ka sa tubig na buhay ang Espiritu Santo.
Iba-iba ang ating kaloob, lahat ‘yan kaloob din kay Hesus. At kay Hesus nakikita ang mga kaloob kapag may debosyon ay daan para sa misyon. Ito po ang ating panalangin para sa ating lahat. Mga deboto ang debosyon umuuwi sa misyon at walang makakapagsabi na hindi ko kaya ang misyon. Hanapin mo ang kaloob na natanggap mo ang kaloob na yan palalimin mo sa pag-ibig at sa pamamagitan niyan magtagumpay nawa ang Diyos sa iyong paglilingkod.
Tayo po ay tumahimik ng sandali, at tanggapin sa ating kalooban ang kaloob ng Diyos sa atin. Hilingin natin ang tunay na debosyon para makiisa tayo sa misyon ni Hesus.