614 total views
Binatikos ng Power for People Coalition (P4P) ang mga ulat na ang power generation arm ng Manila Electric Company (Meralco) ay naghahanap ng power supply agreement (PSA) sa susunod na taon para sa 1,200-megawatt ultra-supercritical power plant sa Atimonan, Quezon.
Ang nasabing power plant na hawak ng Meralco Powergen Corporation sa pamamagitan ng Atimonan One Energy, Inc. ay muling tinututulan ng mamamayan ng Atimonan sa pangunguna ng simbahan at ng P4P Coalition.
Ayon kay P4P Convenor Gerry Arances, nabigo ang Meralco na taasan ang singil sa kuryente sa joint petition nito sa San Miguel Corporation nang tanggihan ng Energy Regulatory Board noong nakaraang buwan.
“Now it is trying again to raise power rates by giving itself a PSA where it would set the generation charge for a plant that uses imported fossil fuel,” pahayag ni Arances.
Taong 2015 nang magsimula ang sama-samang pagtutol ng simbahan, pamayanan at mga makakalikasang grupo laban sa Atimonan Power Plant matapos na bigyan ng Environmental Compliance Certificate.
Inihayag naman ni Diocese of Lucena Ecology Ministry Director Fr. Warren Puno na sa nakalipas na pitong taon, patuloy at mas lalo pang lumalakas ang mga nagaganap na sakuna sa bansa dahil sa epekto ng climate change.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Fr. Puno na nananatiling matatag ang paninindigan ng mamamayan ng Atimonan laban sa coal-fired power plant, at patuloy na isinusulong ang pangangalaga sa kalusugan at hanapbuhay ng mga tao, lalo’t higit ang kalikasan.
“Our unified stance has managed to delay the project despite having its ECC and we will continue to do so until the project has been completely halted,” saad ni Fr. Puno.
Batay sa pagsusuri ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC) at Centre for Research on Energy and Clean Air (CREA), umaabot sa 66,000 ang naitatalang premature deaths mula sa mga noncommunicable disease at lower respiratory infections kada taon na may kaugnayan sa polusyon.
Una nang hinimok ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si’ ang mga mambabatas na lumikha ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang mga fossil fuels upang matugunan na ang lubhang mapaminsalang emissions na nagmumula sa pagsusunog sa mga fossil fuels.