2,375 total views
Kinundena ng Asian Migrants’ Coordinating Body (AMCB) ang pagsusulong ng mga mambabatas sa Hong Kong ng mga polisiyang sisiil sa karapatan ng domestic workers.
Ayon kay Dollores Balladares, spokesperson ng A-M-C-B na hindi makatarungan, makatao at rasismo ang isinusulong ng mungkahi ni Elizabeth Quat at Frankie Ngan ng Democratic Alliance for the Betterment and Progress of Hong Kong (DAB).
Sa mungkahi ng mga mambabatas, lilimitahan sa 14-araw ang dapat itagal sa Hong kong ng isang domestic helper kapag umalis sa kanilang employers at 2-buwan na halaga ng suweldo ang maari nilang utangin sa mga loan companies.
“Surely, Ms. Quat and her fellow lawmaker Mr.Frankie Ngan are playing ignorant of the fact that migrant domestic workers are one of the most abused and exploited working people in Hong Kong, if some workers decide to leave their employers, it is most often than not due to ill-treatment or unbearable working and living conditions they are in.” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Balladares.
Iginiit ni Balladares na itinuturing ni Quat na ‘produkto’ at hindi tao ang mga manggagawa.
Hinamon ni Balladares ang mga mambabatas na pag-aralan ang mga datos mula sa A-M-C-B at iba pang grupong nangangalaga sa kapakanan ng mga migrant workers upang malaman kanilang kalagayan.
Batay sa datos ng A-M-C-B, aabot sa 350-libo ang bilang ng domestic workers sa bansa kung saan mayorya ay mga Pilipino.
Patuloy naman ang pakikiisa ng simbahang katolika sa Pilipinas sa mga Overseas Filipino Workers upang makamit ang mga ipinananawagang sapat na suweldo at benepisyo.
Partikular na sa mga ito ay ang Diyosesis ng Balanga Bataan na nag-aalalay ng pananalangin at mga misa para sa ikabubuti at kaligtasan ng mga OFW.