402 total views
Sa panahon ng mga pagsubok, ang Panginoon ay nakahandang gumabay sa sangkatuhan. Ito ang mensahe ni Fr. Raymond Tapia mula sa Bureau of Fire Protection-Chaplain Services kaugnay sa pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno sa BFP-National Headquarters sa Quezon City.
Paliwanag ni Fr. Tapia, ang taong 2021 ay punung-puno ng mga hamon at pagsubok na kakaharapin ng bawat isa dahil pa rin sa pangambang dala ng coronavirus disease. Ngunit ayon sa pari ay hindi ito dapat pangambahan dahil kasama natin ang Panginoon na nakahandang umakay tungo sa tamang daan.
“Kagaya nga ng ating tema, “Huwag kayong matakot, si Hesus ito”, ang 2021 ay puno ng mga hamon subalit hindi tayo matatakot kasi kasama natin si Hesus. Iyan ang iniwang mensahe sa atin ng pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno,” pahayag ni Fr. Tapia sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng pari, ang pagmamahal ng ating Panginoon sa sangkatauhan ay ang patunay na hindi niya tayo kailanman pababayaan lalo na sa panahong tayo’y mahaharap sa iba’t ibang pagsubok ng buhay.
“Sa panahon ng tayo ay dumadaan sa matinding pagsubok siya ang bubuhat sa atin. Hindi niya tayo iiwanan sapagkat tayo’y mahal na mahal niya,” dagdag pa ng pari.
Nagpapasalamat naman ang pamunuan at mga kawani ng BFP ang pagbisita ng Mahal na Poong Hesus Nazareno. Sa mensahe ni Fire Director Jose Embang, Jr, ang hepe ng kagawaran na ang pagdalaw ng Poong Nazareno ay nagbigay ng kagalakan at lakas ng loob sa mga kawani.
Ayon kay Director Embang, ang presensya at paggabay ng Panginoong Diyos sa pagharap ng mga tao sa mga pasubok ng buhay ang dahilan kung bakit ito’y nalulutas at mas lalo pang nagpapatatag sa bawat isa.
“Ito po ay tunay na nagpapasaya at nagbibigay ng lakas ng loob sa amin sa Bureau of Fire Protection sa pagbisistang ito. Talagang alam po natin, na anumang problema ang hindi natin mareresolve o masosolve kung wala ang ating Panginoong Diyos sa ating kalagitnaan. At ito po ay napatunayan na sa buong taon ng 2020,” ang mensahe ni Fire Director Embang.
Pinasalamatan din ni Embang ang BFP-Chaplain Services sa pamumuno ni Fr. Randy Baluso dahil sa patuloy na pagbibigay ng gabay at inspirasyon sa bawat kawani at miyembro ng hanay. Ang Bureau of Fire Protection ay nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government na may mahigit 25,000 kawani.
Isinasagawa ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang localized Traslacion 2021 sa iba’t ibang simbahan at tanggapan sa Metro Manila at ibang lalawigan upang magsagawa ng pagdiriwang upang malimitahan ang pagtitipon ng mga deboto sa simbahan Quiapo.