601 total views
Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa kabila ng mga trahedya at krisis na nararanasan ng mga mananampalataya. Ito ang pagninilay ni Fr. Douglas Badong, parochial vicas ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa misang ginanap sa Minor Basilica of Our Lady of Immaculate Conception sa Malolos Bulacan.
“Babangon tayo sa pagkadapa, babangon tayo sa bawat trahedya at ‘yan ang pangako sa atin ng Panginoon sa tulong ng Poong Hesus Nazareno,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Badong.
Ayon pa sa pari ang pagdalaw ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga simbahan ay paalala sa mamamayan ng pakikiisa ng Panginoon sa paghihirap na nararanasan.
Paliwanag pa nito sa mga debotong dumalo sa pagtitipon na inilalarawan ng krus na pasan ng Poon ang pag-ako nito sa mga pinapasan na paghihirap ng tao upang maibsan ang hapis at dusa na naramdaman.
Ikaanim ng Enero sa ikapitong araw ng nobenaryo sa kapistahan ng Traslacion ay bumisita ang Poong Nazareno sa Malolos Cathedral sa Bulacan kung saan daan-daang mga deboto mula sa iba’t ibang bayan ang nagsidalo.
Pinangunahan naman ni Fr. Domingo Salonga, STL ang pagsalubong sa imahe ng Nazareno. Naging katuwang naman sa pagdiriwang ng misa sina Rev. Msgr. Pablo Legaspi, Jr. ang Vicar General ng Diyosesis ng Malolos, Rev. Fr. Howard Tarayo at Rev. Fr. Joseph Fidel Roura.
Panawagan ni Fr. Badong sa mga kapwa deboto ng Poong Nazareno ang mahigpit na pagsunod sa mga ipinatupad na safety protocol upang maiwasan ang paglaganap ng sakit.
Sinabi ng pari na sa ganitong mga pagkakataon mas dapat ipakita ang debosyon at pagmamahal sa Panginoon sa taimtim na pananalangin at pagmamalasakit sa kapwa.
“Ngayon dapat ipakita ng mga deboto ang pananampalataya sa Diyos, sa Mahal na Poong Hesus Nazareno,” ani Fr. Badong. Ang pagdalaw ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa iba’t ibang simbahan ay bahagi ng localize ‘Traslacion’ nang kanselahin ang nakaugaliang prusisyon mula Luneta pabalik ng simbahan ng Quiapo dahil sa community restrictions at pag-iingat mula COVID-19.