Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 87 total views

17th Sunday in Ordinary Time

World Day of Parents and the Elderly

Fil-Mission Sunday

1 Kgs 3:5.7-12 Rom 8:28-30 Mt 13: 44-52

Sa ating panahon ngayon, madalas gamitin sa simbahan ang salitang DISCERNMENT. Ano ba ang ibig sabihin nito at bakit natin gagawin ito? Ang discernment ay ang malalim na pagninilay at pagsusuri, sa gabay ng Espiritu Santo, upang malaman ang nararapat gawin ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay ginagawa sa diwa ng panalangin. Hindi bago ang gawaing ito. Matagal na itong ginagamit sa simbahan ngunit ngayon lang pinagkakatuunan ng pansin. Nagsusuri at nagninilay tayo upang maging maayos ang ating desisyon, lalo na sa mahahalagang bagay. Nagdi-discern ako kung ako ba ay tinatawag ng Diyos para magpari o magmadre. Nagdi-discern ako kung papakasalan ko ba ang lalaki o ang babaeng ito. Nagdi-discern ako kung papasok ba ako sa ganitong business o hindi. Nadi-discern ako kung magpapa-opera ba ako sa aking mata o hindi. Gusto nating magdesisyon ng tama. Sa ating pagdi-discern dapat may kabukasan kung ano ang gusto ng Diyos sa atin. Hindi lang ako naghahanap ng gusto ko o ng madali sa akin. Hinahanap natin ang kalooban ng Diyos kasi naniniwala tayo na mahal tayo ng Diyos at mabuti ang kanyang kalooban para sa atin.

Kumbinsido tayo na ginagabayan tayo ng Diyos. Kaya ginagawa natin ang discernment sa diwa ng panalangin. Alam natin na nandiyan ang Espiritu Santo na ibinigay ni Jesus upang dalhin tayo sa katotohanan at katuwiran. Hindi tayo nagmamadali sa ating discernment at hindi tayo nagpapadala sa ating mga damdamin. Kaya hindi tayo nagdedesisyon ng ora-orada, o kung tayo ay galit, o nabubulagan ng pag-ibig o ng inggit. May kabuksan tayo sa gusto ng Diyos at may kahandaan tayo na gawin ang kalooban niya.

Naniniwala tayo sa sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa na sa lahat ng bagay gumagawa ang Diyos sa mga nagmamahal sa kanya ayon sa kanilang ikabubuti. Kaya hinahanap natin ang kanyang panukala para sa atin. Ginagabayan niya at tinatawag niya ang nagmamahal sa kanya.

Pakinggan natin ang kanyang tawag at ano ang kalooban niya. Maging handa tayong itaya ang lahat upang gawin ang gusto niya. Ito ang ibig sabihin ng dalawang talinhaga niya sa ating ebanghelyo. Noong makita ng dalawang tao ang pinakamahalaga para sa kanila – ang isa ay ang bukid na may kayamanan at ang isa ay ang mamahaling perlas – hindi nag-atubili ang dalawa na itaya ang lahat upang mabili ang mga ito. Ipinagbili ang lahat ng ari-arian nila upang mabili ang bukid at ang perlas. At ginawa nila ito nang masaya. Hindi sila nalungkot na nawala ang kayamanan nila. Mas mahalaga ang binili nila. Ano ba itong bukid na may kayamanan at ang mamahaling perlas? Walang iba kundi ang plano o ang gusto ng Diyos, sa ibang salita, ang kanyang kaharian. Ganoon din ba tayo ka-committed sa kagustuhan ng Diyos? Ang Diyos ba at ang kanyang kaharian ang nauuna sa buhay at concern natin? Handa ba tayong magtaya upang gawin ang kalooban ng Diyos?

Sa ating unang pagbasa narinig natin na maayos ang discernment ni haring Solomon. Tama ang kanyang hiningi sa Diyos at natuwa ang Diyos. Hindi siya naging makasarili. Hindi niya hiningi na maging mayaman siya o mapreserve siya sa kanyang paghahari kaya dapat tanggalin ang mga magiging karibal niya sa kanyang trono. Ang hiningi niya ay ang kakayahan na mamuno siya nang maayos. Gusto niya na mag-succeed sa kanyang bagong tungkulin na hari ng Israel. Kaya sabi niya sa Diyos: “Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling.” Hiningi niya ang karunungan upang maging mabuti at matuwid ang kanyang pamumuno. Ito ay hindi para sa kanya kundi para sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Natuwa ang Diyos at binigyan siya ng karunungan sa kanyang paghahari, at isinama na ring bigyan siya ng malaking kayamanan at ang mahabang buhay.

Tandaan natin na si Eba ay naghangad din ng kaalaman ng mabuti at masama noong siya ay tuksuhin ng ahas sa jarden ng Paraiso. Pero hinangad niya ito upang maging tulad siya ng Diyos. Ito ay para sa kanyang kapakanan lang at ito ay tanda ng kanyang kayabangan. Hindi siya naging kontento na maging tao. Gusto niyang maging Diyos! Dahil dito, siya ay pinarusahan. Pinaalis siya sa Paraiso.

Sa Bibliya napatunayan kaagad ang paggamit ni Solomon ng kanyang karunungan upang makapamuno ng matuwid. May kaso na inilahad sa kanya na kailangan niyang pagpasyahan. May dalawang babae na sabay na nanganak sa isang bahay. Isang gabi, nadaganan ng isa ang kanyang anak at namatay ito. Noong naramdaman niya na patay na ang kanyang anak, ipinagpalit niya ito sa anak ng babaeng katabi niya. Kinaumagahan natagpuan nito na patay ang bata na nasa tabi niya ngunit sa kanyang pagsusuri nakita niya na hindi ito ang kanyang anak. Pero sabi ng isang babae na anak niya iyon. Kaya pinag-agawan nila ang batang buhay. Dinala nila ang kaso kay Haring Solomon. Pagkarinig ng hari sa kanilang kaso, ang kanyang pasya ay hatiin sa dalawa ang batang buhay at tig-iisang ibigay ang kalahati ng bata sa dalawang babae para hindi na sila mag-away. Napasigaw ang isang babae: Ibigay na lang ninyo ang bata sa babaeng iyon, huwag na siyang patayin. Sabi naman ng isa, tama iyan, hatiin ang bata para wala ng pag-awayan. Sabi ni Solomon: Ibigay ang bata sa babaeng ayaw hatiin ang bata. Siya ang tunay na nanay ng bata. Dito pinakita ng hari ang kanyang karunungan sa pamumuno, ang kanyang pagkilala sa masama at mabuti. Talagang magaling na hari siya. Matuwid ang kanyang pamumuno.

Sana ito rin ang hangarin ng mga namumuno sa atin – na ang concern nila ay mamuno nang matuwid at hindi ang kanilang sariling interes lamang. Pero nagdududa tayo kung ito nga ang intention ng mga leaders natin. Itong paghuhusga sa vice-president natin sa kasalukuyang impeachment ay bunga ba ng pagmamahal sa katotohanan at sa bayan? O ang magiging boto ba ng mga senator-judges ay ayon sa kanilang kampihan lang sa politika? Sana naman mag-didiscern ang mga senator-judges natin. Pero makaka-discern sila kung ang hinahanap nila ay hindi ang sariling interes kundi ang matuwid na pamumuno sa bayan. Makaka-discern sila kung sila ay nagdarasal at nagpapagabay sa Diyos.

Tuwing huling Linggo ng buwan ng Hulyo ay ang Fil-mission Sunday. Sa Linggong ito inaalaala natin ang mga misyonerong Pilipino. Limang daang taon na tayong Kristiyano. Tinanggap natin ang pananampalataya kasi may mga misyonero mula sa ibang bansa na nagtrabaho sa atin. Ngayon naman nagpapadala na tayo ng mga Pilipinong misyonero sa ibang bansa. Suportahan natin sila. Kaya sa araw ito, ipagdasal natin sila. Magkakaroon din tayo ng second collection upang magpadala sa Pilipinong misyonero ng pinansyal na tulong para sa kanilang gawain. Kahit na mahirap tayo – kulang din tayo sa pari at wala naman tayong malaking pera – pero kailangan din na maging generous tayo upang maabot ng Magandang Balita ni Jesus ang lahat ng tao. Ang paglawak ng paghahari ng Diyos ay gawain nating lahat.

Ngayon din ay ang World Day for Grandparents and the Elderly, kasi ngayon ay ang kapistahan ni Santa Ana at San Joaquin. Sila ang mga magulang ni Mama Mary, ang mga lolo at lola ni Jesus.
Sa ating panahon ngayon mas dumadami ang mga lolo at lola. Ito ay dahil na rin sa pag-unlad ng medicina at ng nutrition. Humahaba ang buhay ng tao. Dapat magsaya tayo na nandiyan pa ang mga matatanda natin, pero hindi ito ang pananaw ng marami. Naiinis sila sa matatanda. Makulit na. Minsan ay ulyanin pa. Hindi na nakakatulong sa hanap buhay at mareklamo pa. Nagiging gastos pa sila sa bahay. Pero huwag lang natin tingnan ang matatanda sa pananaw ng ekonomiya o ng gastos. Tayo ay tatanda din. At hindi lang yun! Marami din silang naitutulong na karunungan sa buhay na hindi nakukuha sa anumang aklat, kundi galing sa karanasan nila sa buhay. Nakakahugot din tayo sa kanila ng lakas at pag-asa sa kanilang mga kwento ng mga dinaanan nila sa buhay. Madaling mawalan ng pasensya kasi tayo na ang malakas at sila ang mahihina. Pero tandaan natin na noong maliliit pa tayo, marami ding pasensya ang ibinuhos nila sa atin. Sa ating pakikipag-usap sa matatanda, nakabibigay sila ng mahahalagang pananaw na baka nakakalimutan na natin dahil sa mabilis na takbo ng buhay ngayon.

Kung wala na ang mga lolo at lola huwag naman natin silang kalimutan na sa ating buhay. Paminsan-minsan alalahanin natin sila, ipagdasal natin sila at ikuwento natin sila sa mga susunod na henerasyon. Nananatili silang bahagi ng ating buhay at madalas sila ang nagturo sa atin tungkol sa Diyos at paano manalig sa kanya. Ang pananampalataya nila ay nagbibigay sigla sa ating pananalig sa Diyos.

Pagkakaibigan, pinakamabisang daan ng bokasyon-Cardinal Tagle

 19,620 total views

Iginiit ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-prefect ng Dicastery for Evangelization, na ang pagkakaibigan ang isa sa pinakamabisang daan ng bokasyon, sapagkat sa pamamagitan ng mga tunay na ugnayan nagiging buhay at konkretong karanasan ang pagkilala kay Hesus at ang pagtugon sa tawag ng Diyos.

Tinalakay ito ni Cardinal Tagle sa isinagawang Heart to Heart Talk sa unang araw ng 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) 2026 sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, kung saan ibinahagi nina Sr. Mary Joannie Bolisay ng Sisters of Saint Paul of Chartres (SPC) at Fr. Dean Jerome Cruz ng Diocese of Cabanatuan ang mga pagkakaibigang naging bahagi ng kanilang paglalakbay tungo sa buhay relihiyoso at pagpapari.

Binigyang-diin ni Cardinal Tagle na bagama’t mahalaga ang mga vocation promotion materials tulad ng posters, videos, short stories at seminars, mas nagiging makapangyarihan ang personal na ugnayan at buhay na patotoo ng mga taong nagpapakita ng kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos.

“While we appreciate the use of film, mga short stories na nakikita natin sa TV, yung mga posters announcing a diocese, a seminary, a religious order, they’re all good for giving information. But we should not discount the role of friendship in making the face of Jesus, the face of the Church, real to people,” pahayag ni Cardinal Tagle.

Ibinahagi ni Sr. Bolisay na ang kanyang pagtugon sa bokasyon ay unti-unting nahubog sa pakikipagkaibigan niya sa mga seminarista ng Maria Asunta Seminary noong siya ay youth coordinator ng Diocese of Cabanatuan.

Ayon sa madre, ang masayang samahan at dedikasyon ng mga seminarista sa paglilingkod ang naging inspirasyon upang makita niya ang kagandahan ng buhay relihiyoso.

“Iyong joyful disposition ng mga seminarians, ‘yun po ‘yung isa sa mga nakahikayat sa akin na pwede naman palang subukan. At sila din po ‘yung nagpakilala sa akin ng congregation kung saan po ako papasok,” ayon kay Sr. Bolisay.

Samantala, ibinahagi naman ni Fr. Cruz na ang kanyang bokasyon bilang pari ay nagsimula rin sa pag-anyaya at paggabay ng mga kaibigang altar server at youth ministers noong siya ay nasa high school.

Binigyang-diin ng pari na mahalaga ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan maging sa patuloy na buhay-paglilingkod, lalo na sa panahon ng mga pagsubok at panghihina ng loob sa ministeryo.

“Truth and charity, magkakambal po ‘yan para sa growing relationship. You have to be truthful and of course you have to be charitable in expressing the truth para po balanse. Kasi kapag truth lang po, baka po masaktan kung walang charity. Pero kung charity lang, baka puro compromise naman po at wala pong truth. Baka po fake friendship na po ‘yun,” saad ni Fr. Cruz.

Sa pagtatapos ng talakayan, hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag matakot makipagkaibigan at maging saksi ng pag-ibig ni Kristo, dahil ang mga ugnayang binubuo ngayon ay maaaring maging binhi ng mga bokasyon sa hinaharap.

“The seeds of friendship that you sow now will be the harvest of vocation in the future,” ayon kay Cardinal Tagle.

Tema ng PCNE XII ang “Sangkay: I have called you Friends (John 15:15),” na naglalayong palalimin ang diwa ng pagkakaibigan bilang daan tungo sa pagbabagong-loob sa misyon at sa pagbuo ng isang higit na sinodal na Simbahang Katolika sa Pilipinas.

Pag-ibig, pundasyon ng tunay pakikipagkaibigan

 19,427 total views

Binigyan-diin ng Prior Provincial ng Dominican Province of the Philippines Father Filemon Dela Cruz Jr., O.P – , ang ‘pag-ibig’ bilang pundasyon ng tunay na pakikipagkaibigan at matatag na ugnayan ng bawat mananampalataya sa kaniyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) sa University of Santo Tomas.

Ito ay sa kaniyang pagninilay sa session ng “Confessio Peccati et Laudis: Healing and Nurturing Relationships,” na nakatuon sa pagpapanumbalik at pagpapatibay ng mga ugnayan.

Ayon kay Fr. dela Cruz, ang tunay na pagkakaibigan ay nakaugat sa pag-ibig na nag-uudyok sa tao na pahalagahan, ingatan, at alagaan ang kapwa.

Iginiit niyang ang pagmamahal ay hindi lamang damdamin kundi isang desisyon na kilalanin ang dignidad at kahalagahan ng bawat tao, na siyang nagpapatatag sa mga ugnayang humuhubog sa pamayanan ng pananampalataya.

“Friendship is friendship in love, kaya kapag ika’y nagmahal, iingatan mo ang halaga ng isang tao pinapahalagahan mo ang taong yan, kaya mahal kita l, mahalaga ka sakin,” ayon sa pagninilay ni Fr.Dela Cruz

Binigyang-diin din ng pari na ang pagpapahalaga sa kapwa ay nagiging daan upang mapagaling ang mga nasirang relasyon at makabuo ng mga pamayanang nagkakaisa sa diwa ng pakikinig, pag-unawa, at pagmamalasakit. dahil ang tunay na pagkakaibigan ay naipapakita sa konkretong pag-aaruga at patuloy na pag-akay sa isa’t isa tungo sa pag-ibig ni Kristo.

Kaugnay nito, umaasa si Fr. dela Cruz na magsisilbing inspirasyon ang PCNE 2026 upang higit pang mapalalim ang kultura ng pagkakaibigan at pagmamahalan sa loob ng Simbahan, kasabay ng paghahanda ng mga mananampalataya para sa Evangelization 2033, sa pamamagitan ng paghubog ng mga disipulong handang magmahal, maglingkod, at maghatid ng pag-asa sa kapwa.

Pagkakaibigan, mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo- Papal Nuncio sa mananampalataya

 21,088 total views

Binigyang-diin ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown na ang tunay na pagkakaibigan na nakaugat kay Hesukristo ang mahalagang pundasyon ng sama-samang misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Sa kanyang mensahe para sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII), sinabi ng kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas na ang pagkakaibigan ay isa sa pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao, kasunod lamang ng mismong buhay, sapagkat ito ang nagpapatatag sa mga pamayanan at nagbibigay ng tunay na kagalakan at pag-asa.

Ipinaliwanag din ni Archbishop Brown na ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nakabatay sa pakinabang o pansariling interes kundi sa kalayaan, kabutihang-loob, at tapat na pagmamahal sa kapwa.

“Friendship is truly one of life’s greatest treasures, next only to the gift of life itself. Even wealth without friends feels empty when compared to the joy of good friendship. Friendship strengthens communities and transforms ordinary connections into lasting happiness. Without it, life becomes incomplete and burdensome. This is not merely because we are social beings, but because friendship is a vital bond rooted in freedom, generosity, and goodwill. Friendship is more than duty or utility.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.

Binigyang-diin din nito ang turo ni San Agustin na ang tunay na kaibigan ay nananatiling tapat sa anumang kalagayan ng buhay.

Ayon kay Archbishop Brown, ang pagkakaibigan ay higit pang nagiging ganap sa pananampalatayang Kristiyano sapagkat ito ay nagiging pakikipagkaisa kay Kristo na humahamon sa mga mananampalataya na sama-samang maglingkod, ipagtanggol ang pananampalataya, at pangalagaan ang pagkakaisa ng Simbahan.

“In our mission as Christians, friendship means communion in Christ. Together we strive for the faith, resist false teachings, and guard against discord,” Dagdag pa ni Archbishop Brown.

Ipinaalala rin ng kinatawan ng Santo Papa na ang sukdulang larawan ng pagkakaibigan ay ipinakita mismo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay para sa Kanyang mga kaibigan.

Kasabay nito ay binati ni Archbishop Brown si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ang mga obispo, pari, mga nakatalaga sa buhay-relihiyoso, layko, at lalo na ang mga kabataang kalahok sa kumperensya, at hinikayat ang lahat na patuloy na isabuhay ang diwa ng pagkakaibigang nagmumula kay Kristo bilang daan sa masiglang misyon ng ebanghelisasyon.

Isinagawa ang 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE XII) noong Hulyo 24 hanggang 26, 2026 sa University of Santo Tomas sa Maynila na may temang “Sangkay: I Have Called You Friends” (Jn. 15:15), na naglalayong palalimin ang pakikipagkaibigan kay Hesus at paigtingin ang pakikibahagi ng bawat mananampalataya sa misyon ng Simbahan.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONVERSION OF RELATIONSHIP

 78,491 total views

 78,491 total views “A Filipino culture ruined by politics, of indifference, ideology, self-interest”. Kapanalig, likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng pakikipagkapwa o pakikitungo sa

Read More »

NASAAN ANG SIMBAHAN

 106,782 total views

 106,782 total views Kapanalig, malimit nating naririnig ang katanungang, “NASAAN ANG SIMBAHAN”? Kapag may nangyaring trahedya., sakuna., man-made calamities., kawalan ng moral na pamumuno., WHERE IS

Read More »

Upper-middle income na ang Pilipinas

 152,714 total views

 152,714 total views Mga Kapanalig, upgraded na daw ang Pilipinas!  Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ay isa nang upper-middle income country. Ibig sabihin, lumampas na

Read More »

Ibinasurang paraiso

 185,796 total views

 185,796 total views Mga Kapanalig, napanood ba ninyo ang dokumentaryo tungkol sa lupang ninuno o ancestral land ng mga katutubong Aeta na ginawang tambakan ng basura

Read More »

Gaslighting

 209,165 total views

 209,165 total views Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang salitang “gaslighting”? Ang gaslighting ay isang uri ng sikolohikal na manipulasyon kung saan ipinalalabas ng isang

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

Homily July 19, 2026

 9,221 total views

 9,221 total views 16th Sunday in Ordinary Time Wis 12:13. 16-19 Rom 8: 26-27 Mt 13:24-43 Sa pananaw ng mundo pinapakita ng tao na dahil siya’y

Read More »

Homily July 12, 2026

 16,799 total views

 16,799 total views 15th Sunday in Ordinary Time Is 55:10-11 Rom 8:18-23 Mt 13:1-23 Makapangyarihan ang simbahan. Tumagal siya ng higit na dalawang libong taon. Mula

Read More »

Homily July 5, 2026

 27,403 total views

 27,403 total views 14th Sunday in Ordinary Time Cycle A Zec 9:9-10 Rom 8:9.11-13 Mt 11:25-30 “Hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa

Read More »

Homily June 28, 2026

 35,579 total views

 35,579 total views 13th Sunday in Ordinary Time Cycle A St Peter’s Pence Sunday 2 Kgs 4:8-11.14-16 Rom 6:3-4. 8-11 Mt 10:37-42 Madaling sagutin ang tanong:

Read More »
Scroll to Top