264 total views
Pentecost Sunday Cycle C
Acts 2:1-11 Rom 8:8-17 Jn 20:19-23
Noong si Jesus ay kasama natin, ang dami niyang mga hamon na binigay sa atin tulad nang, kailangan nating tanggihan ang ating sarili, buhatin ang ating krus at sumunod sa kanya; tulad nang, sumunod sa kanyang utos kung talagang nagmamahal tayo sa kanya; tulad nang, magdasal tayo palagi upang hindi mahulog sa tukso; tulad nang, mahalin natin ang ating kaaway; tulad nang, humayo tayo sa dulo ng daigdig upang maging saksi niya, at marami pang iba. Magaganda naman ang mga ito at talagang makakatulong sa ating paglapit sa Diyos at sa ating maayos na pagsasama dito sa mundo. Pero ang tanong ay: kaya ba natin gawin ang mga hamon na ito? Kung i-aanalyze natin ang ating sarili at ating pagkatao mismo, hindi yata natin ito magagawa. Mahihina tayo. Malakas ang influensiya ng mundo.
Pero mga kapatid, hindi naman magbibigay ng utos at hamon ang Diyos na hindi natin magagawa. Kaya, hindi lang si Jesus nangaral. Hindi lang siya nagbigay ng mabuting halimbawa upang ipaalam sa atin kung paano gawin ang sinabi niya. Nagbigay din siya ng kakayahan, ng power, upang bigyan tayo ng capacidad na gawin ang sinasabi niya. Pag-akyat ni Jesus sa langit, sinabi niya sa mga alagad niya na bago sila humayo sa dulo ng daigdig manatili muna sila sa Jerusalem at antayin ang ipinangako niyang Katulong na ipadadala niya. Hindi niya tayo hahayaang ulila. Magpapadala siya sa atin ng isang Katulong at Mang-aaliw upang ipaalaala sa atin ang mga itinuro niya at upang samahan tayo sa katotohanan. Ito ay walang iba kundi ang Espiritu ng Katotohanan. Ito ay walang iba kundi ang Espiritu na bumuhay sa kanya mula sa kamatayan at lumuklok sa kanya sa kanan ng Diyos Ama. Ito ay walang iba kundi ang Espiritu na gumawa sa atin na mga anak ng Diyos. Mga anak nga tayo ng Diyos at matatawag natin siyang “Daddy, Ama ko.” Ang Espiritung ito ay mas makapangyarihan kaysa espiritu na nasa mundo. We have the power of God working in us. Ito ang ipinadiriwang natin sa Linggong ito, ang Pentecost Sunday, ang pagbaba ng Espiritu Santo sa simbahan.
Bago dumating ang Espiritu Santo, ang mga alagad ay nakakulong sa isang kwarto. Maaari na sila ay takot o nahihiya na magpakilala na sila ay mga alagad ni Jesus. Baka ang nangyari kay Jesus na siya ay hinuli at pinatay ay mangyari din sa kanila. Pista noon ng Pentekostes, isang dakilang kapistahan ng mga Hudyo na kanilang pinagdiriwang ang pagbigay ng malaking biyaya ng Diyos sa kanila – ang kautusan ng Diyos sa pamamagitan ni Moises doon sa Bundok ng Sinai. Ito ang pinakamalaking regalo ng Diyos sa kanyang bayan. Hindi na nila huhulaan pa paano maging kalugud-lugod sa Diyos. Sundin lang nila ito at maging malapit na sila sa kanya. Ito ang karangalan nila bilang bayan ng Diyos, na alam nila ang kagustuhan ng Diyos. Ito ay nasa batas ni Moises.
Habang nagdiriwang ang mga pilgrims sa Jerusalem, ang mga alagad ay nagtatago sa isang kwarto – hanggang dumating ang Espiritu Santo! Dumating ito sa anyo ng malakas na hangin at mga dilang apoy. Ang malakas na hangin sa bahay na pinagtataguan nila ay nakatawag ng pansin sa maraming mga tao. Ang mga tao na galing sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ay nagkatipon-tipon sa labas ng bahay na iyon. At lumabas na si Pedro at ang mga kasamahan niya. Nagsimula na silang magpahayag tungkol kay Jesus. Nanawagan na sila ng pagsisisi. Si Jesus na ipinapatay ng mga Hudyo ay muling binuhay ng Ama. Ito ay naaayon sa Banal na Kasulatan. Talikdan na nila ang mga kasamaan na kanilang ginagawa at manalig na kay Jesus, ang tanging tagapagligtas. At naintindihan sila ng mga tao kahit na ang mga ito ay galing sa ibang mga bansa at iba’t-iba ang kanilang mga lenguahe.
Saan nanggaling ang tapang na ito ng mga alagad? Paano nagkaisa ang mga tao sa harap ng bahay na iyon? Paano nila naintindihan ang pahayag ng magagandang bagay tungkol sa Diyos? Paano na agad silang nagsisisi at nagpabinyag, na sa araw na iyon higit na tatlong libo ang nabinyagan? Ang mga ito ay nangyari dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya para sa ating mga Kristiyano ang Pentekostes ay hindi na kapistahan ng pagbigay ng Batas ni Moises sa bundok ng Sinai. Ito ay ang kapistahan ng pagbaba ng Espiritu Santo. Hindi na ang batas ang pinakamahalagang regalo kundi ang Espiritu ng Diyos na hindi nakasulat sa bato kundi sa bawat puso ng tao. Ang Espiritu ay hindi lang nagbibigay ng kaalaman. Ito ay nagbibigay ng kakayahan na isabuhay ang mga aral na nagbibigay buhay, hindi na mga aral ni Moises kundi mga aral ni Jesukristo.
Ngayong araw na ito ipinagdiriwang natin ang pagpapakilala ng Simbahan sa buong mundo, kaya itinuturing natin ang araw na ito na birthday ng simbahan. Ang buhay ng tao ay hindi naman nagsisimula sa kanilang birthday. Matagal na ang buhay na iyan, mga siyam na buwan na, pero nandoon lang sa katahimikan at kadiliman ng tiyan ng kanyang nanay. Nahayag ang buhay na iyon noon isinilang ang sanggol. Nakilala na siya ng mundo. Ganoon din ang simbahan. Nandoon na siya noong tinipon ni Jesus ang kanyang mga alagad. Nakikinig sila sa mga aral ni Jesus, nasaksihan nila ang mga himala ni Jesus at sumunod sila sa kanya sa kanyang paglalakbay sa Galilea. Pero nahayag ang simbahan ngayong araw ng Pentekostes. Ang simbahang ito ay ang katawan ni Kristo na nagpapatuloy ng kanyang misyon sa mundo na nandito na nga ang kaligtasan at ang kaligtasang ito ay si JesuKristo.
Mga kapatid, ang pagdating ng Espiritu Santo ay hindi lang nangyari noong Pentekostes. Ang Espiritu Santo ay patuloy na pinapadala ni Jesus sa bawat Kristiyano. Ito ay natanggap natin noong tayo ay bininyagan at pinalakas at pinagyaman noong tayo ay kinumpilan. Sa sakramento ng binyag natanggap natin ang buhay ng Diyos. Sa Kumpil ang buhay na ito ay pinalalakas. Binibigyan tayo ng kakayahan na panindigan ang pananampalataya at isabuhay ito. Kaya nating sundan si Jesus at isabuhay ang mga utos at hamon niya. Kaya tayo ay hinihikayat to live the life of the Spirit. Is my life now a life in the spirit? Huwag na tayo magpadala sa hila ng laman. Mas malakas ang tawag ng Espiritu kaysa tawag ng laman na nagdadala sa atin sa kasalanan.
Totoo, ang buhay natin sa lupa ay isang pakikibaka laban sa kasamaan. We belong to the militant church. Sinasalakay tayo ng tukso at ng kasamaan. Kaya nilalayuan at nilalabanan natin ang mga ito. Kaya natin ito. Ang kapangyarihan na nasa atin ay mas malakas kaysa kapangyarihan ng Kasamaan. Ang pakikibaka natin sa kasamaan ay hindi lang sa kasamaan sa ating mga personal na buhay. Nandiyan din ang kasamaan sa mundo, ang kasamaan sa business, ang kasamaan sa politika, ang kasamaan sa social media. Ang mga ito ay sumisira sa kaayusan ng buhay ng tao. Huwag tayo magpadala dito. Kilalanin natin ang mga pagkademonyo ng mga ito at labanan. Dahil dito nagsasalita ang simbahan laban sa mga katiwalian kahit na saan man ito mangyari. Kahit na nga mismo sa katiwalian ng mga pari at mga obispo nagsasalita ang simbahan. At hindi siya natatakot, hindi tayo natatakot, nasa atin ang Espiritu ng katotohanan, ang Espiritu ng Kabutihan, ang Espiritu ng Pag-ibig. Ito ay ang Espiritu ni Jesus na binibigay sa atin at nananahan sa atin.
Sa bawat misa ang tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hayaan din natin na tayo ay baguhin ng Espiritu Santo upang maging instrumento tayo ng kaligtasan sa araw na ito.