849 total views
28th Sunday of Ordinary Time Cycle A
Extreme Poverty Day
Is 25:6-10 Phil 4:12-14 Mt 22:1-14
Kasaganaan! Iyan ang paksa ng mga pagbasa natin ngayong Linggo. Kasaganaan ang binibigay ng Diyos sa atin. Siya ay dakila. Ang lahat ay galing sa kanya. Hindi naman siya sakim o kuripot. Galante siya kung magbigay. Nakikita natin ito sa kalikasan. Masagana ang mga bulaklak at mga bunga ng kasoy, ng mangga, ng abukado. Kung hindi lang natin sisirain ang mga corals at mga mangroves, marami ang mga isda sa karagatan. Makikita din natin ito sa kanyang gawaing panliligtas. Hindi na siya nagsawa na magpadala ng mga propeta at mga santo na magpapaalala sa atin. Ibinigay pa niya ang the best niya – ang kanyang anak. Ibinigay ni Jesus ang buong buhay niya, hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanyang dugo. Ibinuhos pa sa atin ang kanyang Banal na Espiritu upang dalhin tayo sa katotohanan. Masagana kung magbigay ang Diyos. Hindi lang! Ibinibigay niya ang kanyang lahat!
Sa ating unang pagbasa sinabi sa atin na gagawa ang Diyos ng isang masaganang piging para sa lahat. Maraming masasarap na pagkain at inumin doon, at libre ang mga ito, walang bayad! Hindi lang niya tayo bubusugin. Tatanggalin pa niya ang lahat ng kalungkutan, papahiran ang ating mga luha at aalisin ang ating kahihiyan. Maganda at masagana ang hinahanda ng Diyos para sa atin. Kaya masasabi ng bawat isa sa natin: “Ang Panginoon ay ang aking pastol, hindi ako magkukulang. Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan.”
Sasalo ba tayo sa piging ng Panginoon? Makikiisa ba tayo sa kanyang inihanda? Siyempre! Ngunit tulad ng pinakita ni Jesus sa kanyang talinhaga sa ating ebanghelyo, ayaw ng mga inanyayahan na dumalo. Kasal iyon ng anak ng hari – malaking okasyon! Talagang pinaghandaan iyon ng hari. Pinapatay pa ang kanyang mga pinatabang guya! Ilang baka kaya o ilang kambing ang pinatumba? Dalawang beses pinapunta ang mga alipin niya sa mga inanyayahan. Ayaw dumalo! Nagdahilan pa – ang isa ay bibisita at magtratrabaho sa kanyang bukid, at ang isa naman ay mangangalakal – pupunta sa kanyang business! Hindi nila pinahalagahan ang hari. Hindi naman trabaho ang ibibigay sa kanila. Gusto sana ng hari na makiisa sila sa kanyang kasiyahan. Pero hindi! Pinapatay pa nga ang ilang alipin na pinadala na mag-imbita sa kanila.
Hindi natin ito maintindihan. Hindi iginalang ang hari! Ayaw makisaya! Pero huwag natin silang tingnan ng masama kasi ito ay nangyayari sa ating piling hanggang ngayon. Masama ba na pumunta at magdasal sa simbahan? Masama ba ang tanggapin ang bendisyon ng Diyos sa sakramento ng kasal? Wala namang bayad ito. Bakit ayaw ng mga tao? Hindi naman tayo inaanyayahan ng Diyos sa masama. Gusto ng Diyos na maging maligaya tayo kaya nagpapadala siya ng mga tao – ng mga katekista, ng mga lay minister, ng mga pari upang ituro sa atin ang tuwid na landas, upang ipaalaala sa atin na mahal tayo ng Diyos, upang patawarin ang ating mga kasalanan. Masama ba ang mga ito? Bakit inaayawan natin ang mga paanyaya ng Diyos? Bakit ayaw makinig sa mga aral na para naman sa ating ikabubuti? Sa halip na makinabang sa mga mabubuting ibibigay ng Diyos, nagpakasubsub tayo sa ating trabaho, sa ating paghahanap buhay. Hindi buhay ang natatagpuan natin kundi kabiguan. Kung walang bendisyon ng Diyos, ano ang inaasahan nating matatanggap? Kamalasan! Kung sa mga Bisaya pa: Gaba! Meris!
Pero ayaw ng Diyos na masayang ang kanyang mga inihanda. Pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa lahat ng sulok ng mga lansangan. Pinapasok ang lahat na gustong makiisa, upang mapuno ang handaan at maging masaya ang mga tao – masama man o mabuti. Hindi pumipili ang Diyos. Ang lahat ay inaanyayahan. Walang makasasabi na hindi na ako para diyan – napakasama ko na. God does not exclude anyone from his invitation.
Pero kailangan naman na alam natin na sa hadaan tayo ng Diyos pupunta. Sa pagtanggap ng kanyang paanyaya ihanda din natin ang ating sarili. Nakadamit din tayo ng pangkasalan. Hindi maganda o bagong damit ang hinahanap ng Diyos kundi kahandaan ng ating kalooban. Basta lang disente ang kasuotan, ay tama na sa Panginoon – hindi lang damit na pantulog, o damit na pampaligo sa beach, o damit na pang-basketball. Pinalalabas din ang sumasali na hindi bukal sa loob at hindi disente.
Masagana ang inihahanda ng Diyos para sa atin. Gusto niya na ibahagi sa atin ang kanyang kasiyahan. Gusto niyang maging masaya tayo. Maniwala po tayo sa kanya. Mabait siya sa atin. Ayaw niyang pahirapan tayo. Tumugon tayo sa paanyaya niya.
Paano malalaman ng ang mga tao ang paanyaya ng Diyos? Sa pamamagitan nating lahat na nandito ngayon. Ipaabot natin sa mga kasama natin ang paanyaya ng Diyos. Ang magandang balita ay para sa lahat. Tayong tumatanggap nito, sana nararanasan natin na masayang tunay ang pagiging Kristiyano kaya anyayahan din natin ang iba. Lahat tayo ay may mga kakilala sa mga Katoliko pero hindi nagsisimba at walang pakialam sa simbahan. Huwag lang natin silang pabayaan. Namatay si Jesus para din sa kanila. Sila din ay mahal ng Diyos. Sabihin natin ito sa kanila. Huwag tayong magsawang anyayahan sila, mahinahon lang pero palagi. Gently but persistently.
Habang inaanyayahan natin ang iba na makiisa sa kasaganaan ng buhay na gustong ibigay ng Diyos sa lahat – sana mabahala tayo na may mga kapwa tao tayo na hanggang ngayon ay nabubuhay sa extreme poverty. Hindi lang sila mahihirap – lubhang mahihirap sila, tulad ng iyong mga hindi nakakakain ng tatlong beses kada araw, iyong nagtitiis na lang sa banig ng kahirapan at hindi napapagamot, iyong mga kabataan na hindi nakakapag-aral dahil sa walang gamit o walang damit, iyong mga nanay at mga baby na malnourished – kulang sa pagkain kaya ang mga bata ay nababansot. Ngayon ay araw ng pag-alaala sa mga tao na namumuhay sa lubos na kahirapan – sa extreme poverty. Alamin natin na may mga taong nasa ganitong kalagayan. Hindi ito naaayon sa kagustuhan ng Diyos na gumawa ng mundo na masagana, at masagana para sa lahat. Kung may mga ganitong tao na napapansin natin sa ating mga Kriska at mga BEC, kaagad lapitan natin at tulungan sila.
Kung wala ring maitulong, sabihin sa ating mga Parokya at mission station. Huwag natin silang pabayaan. Alalahanin natin ang sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Ibahagi natin sa iba ang kasaganaan ng Diyos at tayo mismo ay makakaranas ng kasaganaang ito.