9,359 total views
Nanawagan ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) sa lahat ng relihiyosong komunidad, at mga mananampalataya na makiisa sa mga gawain sa darating na Setyembre 21, 2025 bilang bahagi ng pambansang panawagan laban sa sistematikong korapsyon at para sa mabuting pamamahala sa bansa.
Binigyan-diin ng CMSP na kapwa pinangangasiwaan nina Rev. Fr. Lino Gregorio Redoblado, OFM at Sr. Cecilia Espenilla, OP na ang katiwalian ay isang malalim na paglabag sa ika-pitong utos ng Diyos na “Huwag kang magnanakaw.” kaya naman tungkulin ng sambayanan na sama-samang kumilos at manindigan para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan sa bayan.
“As we discern the signs of the times, the Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) invites all our communities and faithful to join the activities this September 21, 2025, as a movement against corruption and in defense of good governance. Guided by the commandment “Thou shall not steal”, let us walk together in faith and solidarity.” Bahagi ng paanyaya ng CMSP.
Magsisimula ang pagtitipon ganap na alas-8 ng umaga sa Manila Cathedral na susundan ng martsa patungong Luneta para sa nakatakdang Bahain ang Luneta mobilization.
Ganap na alas-10:30 ng umaga naman ay dalawang Misa ang gaganapin —isa ay sa EDSA People Power Monument na pangungunahan ni Cubao Bishop Elias Ayuban, habang ang isa pa ay sa National Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine na pangungunahan naman ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na isa sa mga convenor ng Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) na nag-organisa sa Trillion Peso March.
Nakatakda ang Trillion Peso March sa EDSA People Power Monument ganap na alas-dos ng hapon kung saan inaasahan ang pagdalo ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang antas ng buhay.
Ayon sa CMSP, ang pakikibahagi sa mga gawaing ito ay hindi lamang simpleng kilos-protesta kundi isang prophetic witnessing ng pananampalataya na naglalayong itaguyod ang mabuting pamamahala at wakasan ang kultura ng katiwalian sa bansa.
Kabilang sa ibinahaging nakahanay na gawain sa Setyembre 21, 2025:
• 8:00 AM – Pagtitipon sa harap ng Manila Cathedral at martsa patungong Luneta (hanapin ang CMSP banner at streamer)
• 9:00 AM – Bahain ang Luneta mobilization
• 10:30 AM – Misa sa People Power Monument na pangungunahan ni Cubao Bishop Elias Ayuban, DD
• 10:30 AM – Misa sa EDSA Shrine na pangungunahan ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, DD
• 2:00 PM – Trillion Peso March sa People Power Monument
Ayon sa CMSP, mahalagang patuloy na ipanalangin sa Panginoon ang patuloy na paggabay ng Banal na Espiritu upang maging makabuluhan ang sama-samang pagpapahayag ng paninindigan ng mamamayan para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan.
Pagbabahagi ng CMSP, “We entrust this day to the guidance of the Holy Spirit. May our voices for truth, justice, and accountability resound with strength and unity. Together, let us move for righteousness and peace.”




