3,476 total views
Nanindigan ang mga Agustinong Prayle ng Province of the Most Holy Name of Jesus of the Philippines laban sa laganap na katiwalian sa bansa.
Ayon sa kongregasyon, hindi dapat sanayin ang mga Pilipino sa kalakarang “Filipino resilience” tuwing may sakuna at kalamidad, lalo na’t ang mga pagbaha sa bansa ay dulot ng kakulangan sa imprastruktura, maling pamamalakad, at korapsyon.
“Bilang mga Pilipino, tayo ay dapat magkaisa at tumindig laban sa mga hindi makatarungang gawain na ito. At sa mga ganitong pagkakataon, kami bilang mga Agustino ay hinihimok na tumindig at lumaban sa katiwalian at hindi tamang pamamahala,” pahayag ng mga Agustino.
Bilang mga misyonero, kaisa nila ang paninindigang panatilihin ang katatagan ng pagkakaisa ng komunidad at pagtutulungan para sa kabutihang panlahat.
Sa gitna ng nagpapatuloy na mga imbestigasyon ng Kongreso tungkol sa mga nadiskubreng maanomalya at ghost flood control projects na pinangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mariing kinundena ng mga Agustino ang paglustay ng bilyong pisong halaga ng pondo ng bayan na nagdudulot ng matinding pasakit sa mamamayan.
“Isa sa mga pinakamasakit na realidad na ating nararanasan ay ang malawakang korapsyon sa ating lipunan na tila isang kanser na unti-unting sumisira sa ating mga institusyon at sa ating mga puso,” ani nila.
Dismayado ang mga prayle sa katotohanang ang yaman ng bansa ay hindi napupunta sa mga nararapat nitong paglagyan, kundi sa bulsa ng ilang indibidwal na inuuna ang pansariling interes.
Iginiit ng kongregasyon na ang mga pagbaha sa bansa, kahit na sa mga karaniwang ulan, ay sumasalamin sa pagkukulang ng mga halal na lider ng bayan na nakalilimutan ang kanilang tunay na tungkulin sa bayan.
“Ang ganitong sitwasyon ay hindi lamang isang simpleng sakuna at hindi lamang natural na kalamidad kundi simbolo ng ating kakulangan sa pagkilos. Tayo ay dapat magkaisa at tumindig laban sa mga hindi makatarungang gawain na ito,” ayon sa kongregasyon.
Ayon sa turo ni San Agustin, ang sinumang humahawak ng kapangyarihan ay dapat maging tagapangalaga ng katotohanan, at ang bawat pagbabago ay dapat nakabatay sa tunay na pag-unawa sa dignidad ng tao.
Sa darating na Setyembre 21, magtitipon ang iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang mga lider ng simbahan, akademya, at mga civil society organizations, para sa isang malawakang pagkilos laban sa korapsyon na gaganapin sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.
Layunin ng pagkilos na ipanawagan ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa malawakang katiwalian.
Naniniwala ang mga Agustino na hindi madali ang paglutas sa mga suliranin dulot ng katiwalian, ngunit sa pag-asang hatid ni Kristo at sa pagkakaisa ng mga Pilipino, may pag-asa pa para sa Pilipinas.
“Ang solusyon sa mga problemang dulot ng katiwalian at kahirapan ay hindi madaling makamit. Subalit, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa,” giit ng mga Agustino.




