247 total views
Hinimok ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, MSP, ang mga Pilipino na ipakita ang tunay na pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagiging mabuting mamamayan na nagsusulong ng katapatan, katarungan at kabutihang panlahat.
Ito ang binigyang-diin ng obispo sa kanyang homiliya sa isinagawang Solidarity Mass sa Immaculate Conception Cathedral sa Puerto Princesa City nitong July 12, bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang tagumpay ng Pilipinas sa arbitral ruling kaugnay ng West Philippine Sea.
Ayon kay Bishop Mesiona, ang pagmamahal sa bayan ay hindi dapat maging pana-panahon lamang o nakabatay sa mga pagkakataong ipinagdiriwang ang pagiging Pilipino.
“Ang pagmamahal sa bayan ay hindi lamang tuwing Independence Day o kapag nanalo ang Gilas at ipinagmamalaki nating Pilipino tayo. Ito ay nakikita sa pagiging tapat sa ating gawain, sa pagsusulong ng katarungan, at sa malasakit sa kapwa Pilipino,” ayon kay Bishop Mesiona.
Iniugnay ng obispo ang mensahe sa talinghaga ng Manghahasik sa Ebanghelyo, kung saan sinabi niyang ang tunay na makabayan ay nagsisimula sa puso at pagkatao ng bawat mamamayan.
Ipinaliwanag ni Bishop Mesiona na tulad ng iba’t ibang uri ng lupang tinamnan sa talinghaga, magkakaiba rin ang pagtugon ng tao sa panawagang mahalin ang bayan.
May mga inuuna ang pansariling interes, mayroon namang nagiging makabayan lamang kapag ito ay uso o maginhawa.
Gayunman, sinabi ng obispo na ang tunay na pagmamahal sa bansa ay katulad ng “mabuting lupa” na tumatanggap at isinasabuhay ang mga pagpapahalaga ng Ebanghelyo alang-alang sa kapakanan ng lipunan.
“Ang talinghaga ng manghahasik ay nagpapaalala na ang bunga ng ating pagmamahal sa bayan ay nakasalalay sa uri ng puso at pagkatao na ating hinuhubog. Ang tunay na pagmamahal sa bayan ay may pagnanais para sa kabutihang panlahat o common good,” giit ng obispo.
Binigyang-diin ni Bishop Mesiona na nagsisimula ang mabuting mamamayan sa mga simpleng gawain tulad ng pagsunod sa batas-trapiko, wastong pagtatapon ng basura at pangangalaga sa kalikasan.
Aminado si Bishop Mesiona na may mga suliranin sa sistema ng pamahalaan, subalit hinikayat niya ang bawat Pilipino na suriin din ang sariling pananagutan sa halip na isisi lamang sa pamahalaan ang lahat ng suliranin ng bansa.
Iginiit din ng obispo na ang pag-unlad ng isang bansa ay hindi lamang nakasalalay sa matatag na mga institusyon kundi sa integridad, disiplina at katapatan ng bawat mamamayan sa katotohanan at sa pagsusulong ng kabutihang panlahat.
Ang Solidarity Mass ay bahagi ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang arbitral ruling noong July 12, 2016, kung saan kinilala ng international arbitral tribunal sa The Hague ang mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone nito sa West Philippine Sea at idineklarang walang legal na batayan ang “nine-dash line” ng China sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Isinagawa ang paggunita sa pangunguna ng Pamahalaang Bayan ng Kalayaan, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at ang 6th Civil Relations Group ng Armed Forces of the Philippines, bilang pagpapalakas ng kamalayang makabayan at pagtatanggol sa soberanya at mga karapatang pandagat ng Pilipinas.
Article written with: Katya Santos




