734 total reads
Hinimok ni Zamboanga Archbishop Julius Tonel ang mga mamamayan na manindigan laban sa political dynasties at igiit ang mabuting pamamahala, kasabay ng paglulunsad ng bagong stewardship program ng arkidiyosesis upang palalimin ang pananampalataya at palakasin ang pananagutan ng mga mananampalataya sa buhay ng Simbahan.
Sa kanyang pagninilay sa pagdiriwang ng ika-292 kapistahan ng Nuestra Señora La Virgen del Pilar sa Fort Pilar Shrine noong October 12, iginiit ng arsobispo na ang pagpapanatili ng kapangyarihan sa iilang pamilya ay hindi lamang usaping pampulitika kundi usaping moral din.
“For us bishops, political dynasties are not merely a political question. They are also a moral and ethical concern,” ayon kay Archbishop Tonel.
Binigyang-diin ng arsobispo, na kasalukuyang vice president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na kailangang suriin ang mga ugat ng kahirapan sa halip na umasa lamang sa pansamantalang ayuda.
“Corruption causes poverty,” giit ng arsobispo.
Tinukoy ng pastol ang mga katiwalian tulad ng kakulangan sa maayos na serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon, malnutrisyon, inflation, at mga proyektong pang-imprastraktura na substandard, hindi natatapos, o mga ghost project lamang.
Hinikayat nito ang publiko na manawagan ng pananagutan mula sa mga namumuno at suportahan ang mga hakbang na naglalayong magpatupad ng tunay na batas laban sa mga political dynasty.
“We demand good governance. Let us vote! Let us vote against political dynasties,” pahayag ng arsobispo.
Suportado ni Archbishop Tonel ang people’s initiative na Dapat Isa Lang at hinimok ang mga parokya na tulungan ang mga mananampalataya, lalo na ang mga nakatatanda at walang internet access, sa paggamit ng digital platform para sa naturang inisyatiba.
Iginiit ng arsobispo na bahagi ng pananampalataya ang aktibong pakikilahok sa mga usaping pambansa at sa pangangalaga sa kabutihang panlahat.
“We are stewards; we care for our country,” aniya.
Stewardship program
Kasabay ng panawagan para sa mabuting pamamahala, inilunsad ng arkidiyosesis ang bagong Archdiocesan Stewardship Program, na tinawag na Encargao de la Iglesia Católica de Tolda, upang palakasin ang pakikibahagi ng mga binyagan sa pangangalaga at pagpapaunlad ng lokal na Simbahan ng Zamboanga.
Paliwanag ni Archbishop Tonel na hindi lamang usaping pinansyal nakatuon ang stewardship kundi maging sa patuloy na paghuhubog at pagtutulungan ng mga mananampalataya.
“Financial stewardship is not merely about managing resources. It must become a way of life, sustaining our faith,” ani Archbishop Tonel.
Bahagi ng programa ang pagpapatuloy ng mga formation program sa pamamagitan ng Basic Ecclesial Communities (BEC), o Tolda, kung saan maaaring magbahaginan ng karanasan sa pananampalataya ang maliliit na grupo, magdamayan, at matuto sa isa’t isa.
Binigyang-diin ng arsobispo na nakaugat ang programa sa pananaw ng Simbahan sa Mindanao na maging isang komunidad na kayang pangalagaan, suportahan, at pamahalaan ang sarili.
Tinuran ni Archbishop Tonel ang Second Mindanao-Sulu Pastoral Conference noong 1974, na nilalayon ang isang Simbahang “self-nourishing, self-sustaining, self-governing community.”
Iniugnay ni Archbishop Tonel ang dalawang panawagan sa tema ng kapistahan na “Mary, Inspiration Towards Synodal Stewardship,” na nagbibigay-diin sa sama-samang paglalakbay, pakikinig, at pananagutan sa isa’t isa.
“We have the same dignity. And when we walk together, we take care of one another. Walang iwanan,” ani ng arsobispo.
Hinimok din ng arsobispo ang mga mananampalataya na maging mga katiwala ng buhay, pamilya, sangnilikha, at Simbahan, at isabuhay ang pananampalataya sa pamamagitan ng konkretong malasakit sa kapwa at sa lipunan.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ng Birhen ng Pilar, hinamon ni Archbishop Tonel ang mga Zamboangueño na ipagpatuloy at isalin sa susunod na mga henerasyon ang tradisyon ng pananampalataya, pagkakaisa, paggalang sa pagkakaiba-iba, at paglilingkod sa bayan.




