13,344 total views
Ito ang bahagi ng panawagan sa publiko ng implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity matapos ang walong araw na paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga naghahangad na kumandidato para sa 2025 Midterm Elections.
Ayon kay Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Bro. Francisco Xavier Padilla, bilang paghahanda sa halalan sa susunod na taon ay mahalagang maging bukas ang mata at isipan ng bawat mamamayan kaugnay sa tunay na hangarin ng mga kandidato sa pagtakbo sa nakatakdang halalan.
Pagbabahagi ni Padilla, dapat na suriin at malaman ng mga botante kung ano ang planong gawin ng mga kandidato para sa kapakanan ng taumbayan sa pamamagitan ng kanilang posisyon nais na paglingkuran.
Ipinaliwanag ni Padilla na dapat ding alamin ng mga botante kung ano na ang mga nagawa ng mga kandidato para sa kapakanan ng kanilang kapwa hindi lamang sa pamamagitan ng serbisyo publiko kundi maging sa kanilang personal na kapasidad.
“Bilang paghahanda sa darating ng eleksyon, kailangan natin buksan ang mga mata’t isipan natin. Wag tayo masilaw sa artista, social media personality, political family, ayuda…. Dapat tignan natin kung ano ang gusto nilang gawin para sa Pilipinas o Distrito o City natin. And tignan din natin ano mga nagawa na nila, whether sa public service o sa sarili nilang kakayanan.” Bahagi ng pahayag ni Padilla sa Radio Veritas.
Iginiit ni Padilla na dapat na maging matalino at isantabi ng bawat botante ang popularidad ng mga kandidato sa pagpili ng mga karapat-dapat na ihalal sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Apela ni Padilla na nawa ay mailulok sa katungkulan ang mga kandidato na may tunay at dalisay na pagnanais na maglingkod ng tapat para sa kabutihan at kapakanan ng bansa lalo’t higit ng taumbayan.
“Minsan kasi nasisilaw tayo sa popularidad, pero tayo din nagrereklamo pagkatapos ng ilang buwan na wala naman sila ginagawa. God bless our candidates and may the one who has the heart of service for the Philippines win!” Dagdag pa ni Padilla.
Sa datos ng Commission on Elections (COMELEC) umabot sa 374 ang mga naghain ng kanilang certificates of candidacy (COC) at certificates of nomination – certificates of acceptance of nomination (CON-CAN) para sa senatorial at party-list race para sa nalalapit na halalan kung saan 184 ang bilang ng mga naghain ng COCs sa pagka-senador, habang 190 naman sa hanay ng mga partylist na pawang binubuo ng ilang mga dati ng pulitiko, artista, at maging mga social media personality.
Batay sa tala ng COMELEC nasa 18,280 na posisyon ang pagbobotohan sa darating na 2025 Midterm Elections, kabilang ang 12-senador, mga partylist representatives, congressional district representatives, governor, mayor, sangguniang bayan member at iba pa.