700 total reads
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na huwag maging kontento sa nakasanayang pananampalataya kundi patuloy na suriin ang kanilang personal na pagkakilala at relasyon kay Hesukristo.
Sa kanyang Angelus sa St. Peter’s Square nitong Linggo, August 23 sinabi ng Santo Papa na dapat araw-araw na suriin ng bawat Kristiyano kung sino si Hesus sa kanyang buhay at kung paano nakaaapekto ang pananampalataya sa kanyang mga desisyon at pamumuhay.
“Faith is not something given to us once and for all. Rather, we continually need to rediscover the face of Christ and his Gospel, to enter more deeply into his message and to renew the choices we make in our lives,” ayon kay Pope Leo XIV.
Binigyang-diin ng punong pastol na kailangang makita sa mga desisyon at pamumuhay ng mga mananampalataya ang kanilang ipinahahayag na pananampalataya upang hindi ito mauwi sa simpleng nakagawian.
Nagbabala rin ang Santo Papa laban sa pagiging kampante na sapat na ang pagkilala kay Hesus dahil sa mga nakagawiang gawain sa buhay pananampalataya.
“Jesus calls us to give a personal response, to know him more closely and to allow ourselves to be shaped by friendship with him through an ever-new encounter,” Aniya.
Sinabi ni Pope Leo na higit na nasusubok ang lalim ng pananampalataya sa tunay na pakikitungo sa mga sugat at pangangailangan ng kapwa at sa mga sitwasyong humahamon sa konsensiya.
“In our daily lives, in short, we can discover whether the Lord Jesus is for us merely a great figure of history… or the Christ of God, the One sent to bring us into the love of the Father and to transform our lives and the world in which we live,” dagdag pa ni Pope Leo.
Hinimok din ng Santo Papa ang Simbahan na suriin ang mga gawain at huwag basta ipagpatuloy ang mga pastoral na gawain dahil lamang ito ang nakasanayan.
“It is important to ask ourselves often: Who is the Lord for me? Do I truly know him? What is his Gospel asking of me today? What steps and what choices am I called to make?” giit ng Santo Papa.
Aniya, mahalagang manatiling bukas ang mga mananampalataya sa mga bagong landas na maaaring itinuturo ni Kristo, kabilang ang mga desisyong maaaring maging iba sa kanilang mga dating inaasahan.
Samantala, sa kanyang mga panawagan matapos ang Angelus, ipinanalangin ni Pope Leo ang Democratic Republic of Congo habang patuloy na kumakalat ang Ebola epidemic na kumikitil ng buhay.
Hinimok niya ang international community na makipagtulungan sa mga lokal na komunidad sa mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng epidemya at mailigtas ang mas maraming buhay.
Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa Central African Republic kasunod ng pagbagsak ng isang minahan sa Zamboyé, at ipinanalangin ang mga nasawi at ang mga pagsisikap na matiyak ang kaligtasan at pagsunod sa batas sa mga lugar ng pagmimina.




