3,709 total views
Pinaalalahanan ni Cebu Archbishop Emeritus Jose Palma ang mga kabataan na huwag matakot sa paglalakbay ng buhay sapagkat kasama nila si Hesus.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa unang araw ng National Youth Conference ng CHARIS Philippines na ginanap sa IEC Convention Center, Cebu City, noong Oktubre 25–26, 2025.
Hinikayat ni Archbishop Palma ang mga kabataan na buksan ang kanilang puso kay Hesus upang maibahagi sa kapwa ang liwanag at pag-asa na nagmumula sa pananampalataya.
“Do not be afraid because in your midst is Jesus. And if you follow Jesus, if you open your heart to Jesus, then we can bring the light of Jesus to the world,” ayon kay Archbishop Palma.
Inalala ni Archbishop Palma si Saint John Paul II, ang santo papa na nagpasimula ng World Youth Day noong 1985. Binigyang-diin niyang si St. John Paul II ang nagpasimula ng paniniwala sa lakas at kakayahan ng mga kabataan na pagyamanin ang pananampalataya at ang simbahan.
Binigyang-diin din ng arsobispo na sa kabila ng mga pagsubok at tukso ng modernong panahon, nananatiling matatag ang pananampalataya sa harap ng takot at pangamba.
“Our faith is stronger than our fear. Ayaw ka hadlok, because we have faith. Ayaw ka hadlok, because we are all together in this,” dagdag pa ni Archbishop Palma.
Pinagnilayan din ni Archbishop Palma ang mga turo ng mga santo papa — mula kay St. John Paul II, Pope Benedict XVI, Pope Francis, hanggang sa kasalukuyang pamumuno ni Pope Leo XIV. Giit ng arsobispo, bawat isa sa kanila ay nagbigay ng mahalagang paalala lalo na sa kabataan na maging aktibong bahagi ng komunidad at kasangkapan ng misyon ng simbahan.
“The Church should not be content with staying at home or in our comfort zones. The Church should be missionary. The Church should reach out. The Church should serve. We walk together in synodality. We journey together towards the Father… The most important sign of this journey is when we show love or charity,” pahayag ni Archbishop Palma.
Dagdag pa ng arsobispo, sa kabila ng mga bagyo o lindol sa buhay, dapat manatiling matatag ang pananampalataya at patuloy na ibahagi ang mga biyayang kaloob ng Diyos sa iba.
“Our faith makes us strong enough to continue the journey, even when there are earthquakes or typhoons. We receive from God something stronger than fear. The Lord has given us gifts, not that we may keep them, but that we may share them. We may give,” ani ng arsobispo.
Binigyang-pugay naman ng CHARIS Philippines si Archbishop Palma para sa kanyang dalawang taong paglilingkod bilang National Episcopal Adviser, na buong pusong sumuporta sa mga programa ng mga charismatic communities sa bansa.
Dumalo sa pagtitipon ang mahigit 1,000 kabataang delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas para sa kauna-unahang National Youth Conference ng CHARIS Philippines na may temang “Shine Jesus Shine,” hango sa Ebanghelyo ni San Mateo 5:16.




