33,832 total views
Binigyang diin ng Caritas Philippines na humanitarian, development and advocacy arm of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mas dapat tutukan ng pamahalaan ang pagkakaloob ng kalidad na serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino sa halip na ang pagbabago ng Saligang Batas.
Ito ang bahagi ng pahayag ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo kaugnay sa usapin ng pagsusulong ng Charter Change.
Ayon sa Obispo, sa halip na mag-aksaya ng panahon at pondo ang pamahalaan para isulong ang pag-amyenda ng Konstitusyon ay mas nararapat na ilaan na lamang ito sa pagtiyak ng pagkakaloob ng kalidad at naaangkop na serbisyo publiko.
“Instead of wasting time and resources on amending the Constitution, the government should prioritize measures to eradicate corruption and ensure the efficient and effective delivery of basic social services to our people.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Paliwanag ng Obispo, sadyang nakababahala rin ang tunay na intensyon ng mga patuloy na nagtatangkang amyendahan ang Saligang Batas lalo na sa pamamagitan ng isang kaduda-dudang inisyatibong nagsasantabi sa isang patas at maayos na proseso na kung saan may tunay na partisipasyon ang publiko.
“Any attempt to alter the Constitution, especially when shrouded in secrecy and lacking genuine public participation, raises serious concerns about its true motives,” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Giit ng Obispo, hindi mababago ang posisyon at paninindigan ng CBCP na kinakailangang nakabatay at para sa kabutihan ng sambayanan o ng common good ang layunin ng pag-amyenda ng Konstitusyon kung saan hindi dapat na maisantabi ang anumang kalayaan at karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino.
Pagbabahagi pa ni Bishop Bagaforo, dapat ring nakabatay sa katotohanan at kaayusan ng bayan ang anumang plano na pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas.
“The CBCP has always taught that ‘If the Constitution is to be revised at all, the process should lead to a greater defense and promotion of the moral values of human dignity and human rights, integrity and truth, participation and solidarity, and the common good.'” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Partikular namang tinukoy ni Caritas Philippines Executive Director Fr. Antonio Labiao, Jr. na kinakailangang tutukan ng pamahalaan ang pagsusulong ng mga batas na tutugon sa higit na pangangalaga ng kalikasan, reporma sa halalan at pagkakaroon ng anti-dynasty measures upang magkaroon ng mas higit na umiral ang demokrasya sa bansa.
“We need reforms that ensure the quality of our elections and the integrity of the vote… Only then can we have a truly representative democracy free from manipulation and vote-buying.” Pagbabahagi ni Fr. Labiao.
Muli namang hinikayat ni Bishop Bagaforo ang mamamayan na maging mapagmatyag at makialam sa mga usaping pampulitika kasabay ng patuloy na pananalangin na magkaroon ng dalisay na hangarin ang mga opisyal ng bayan na maglingkod ng tapat, makatao, at maka-Diyos sa sambayan.
Paalala ng Obispo, “Let’s focus on building a just and equitable society, not on rewriting the Constitution for personal gain.”