2,322 total views
Hinamon ni Fr. Angel Cortez, OFM Provincial Animator ng Justice, Peace and Integrity of Creation ng Province of San Pedro Bautista-Philippines ang pamahalaan na gampanan at tuparin ang mga pangako at programang tutugon sa nangyayaring climate crisis sa bansa.
Ayon kay Fr. Cortez, kabilang sa mga pinagtuunan sa ginanap na 27th United Nations Climate Change Conference of Parties o COP27 Summit ang pagpapatupad at pagsusulong sa loss and damage mechanism upang matutukan ang mga pinsala at nawala bunsod ng pagbabago ng klima.
Ipinaliwanag ng pari na higit na apektado ng mga nangyayaring krisis sa kapaligiran ang developing countries kabilang ang Pilipinas na taun-taon ay labis na nakakaranas ng pinsala sa buhay at ari-arian dulot ng mga kalamidad.
“Bakit ito sinusulong? Kasi tayo ay nananawagan ng mekanismo na magkaroon na ng facility para ‘yung climate finance o ‘yung pera na ibibigay ng developed countries para sa mga developing countries, meron talagang mekanismo na gamitin o pasilidad para maipamahagi na ito. Hindi na tayo puro salita lang o puro pangako kun’di maibahagi na talaga sa mga tao na apektado.” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam ng Radio Veritas.
Nanawagan si Fr. Cortez sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na totohanin ang mga binitawang salita sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address na pagtugon sa pagbabago ng klima at pangangalaga sa kalikasan.
“Parte ng kanyang SONA, binanggit n’ya ‘yung programa at tuluyang solusyon sa pagbabago ng klima. Sana po, ‘yung ating pangulo ay hindi lang puro salita at hindi lang ito pampaganda ng kanyang ratings. Kun’di talagang mabigyan ng tutok ang usaping ito dahil matagal na po tayong naghihintay sa ating gobyerno na mayroon silang konkretong programa.” ayon kay Fr. Cortez.
Naunang pinuri ng Living Laudato Si’ Philippines ang mga plano ng pamahalaan partikular na ng Climate Change Commission sa pagtugon sa krisis sa klima.