2,816 total views
Mariing nanawagan si Pope Leo XIV sa mga bansa na huwag talikuran ang mga umiiral na kasunduan para sa kapayapaan at disarmament, kasabay ng panawagan ng panalangin at konkretong pagkilos para sa mga mamamayang patuloy na nagdurusa sa digmaan sa Ukraine.
Ito ang binigyang-diin ng Santo Papa kaugnay ng nalalapit na pagwawakas ng New START Treaty, ang kasunduang nilagdaan noong 2010 ng Amerika at Russian Federation na naglalayong pigilan ang pagdami ng sandatang nukleyar.
“In renewing my encouragement for every constructive effort in favour of disarmament and mutual trust, I urgently call for this instrument not to be abandoned without seeking to ensure its concrete and effective follow-up,” ayon kay Pope Leo XIV.
Nagbabala rin ang punong pastol ng Simbahang Katolika laban sa banta ng panibagong kaguluhan na lalo lamang magpapalala sa kawalan ng kapayapaan sa daigdig.
“The current situation requires that everything possible be done to avert a new arms race that would further threaten peace among nations,” dagdag pa ng santo papa.
Patuloy ding inalala ng Santo Papa ang kalagayan ng mamamayan ng Ukraine na nananatiling dumaranas ng matinding paghihirap bunsod ng nagpapatuloy na digmaan, lalo’t muling tinatamaan ng mga pag-atake ang mahahalagang pasilidad ng enerhiya sa gitna ng matinding lamig ng panahon.
“I urge everyone to support with prayer our brothers and sisters in Ukraine, who are being severely tested by the consequences of the bombings which have resumed, also striking energy infrastructure,” ani Pope Leo XIV.
Nagpahayag din ang Santo Papa ng pasasalamat sa mga diyosesis lalo na sa Poland at iba pang bansa na aktibong nagpapakita ng pagkakaisa at malasakit sa pamamagitan ng mga inisyatibong tumutulong sa mga apektadong komunidad.
Binigyang-diin ng Santo Papa ang pangangailangang palitan ang kultura ng takot at kawalan ng tiwala ng mga hakbang na nakatuon sa kabutihang panlahat.
Aniya, higit kailanman ay mahalagang pahalagahan at pangalagaan ang kapayapaan bilang isang kayamanang dapat ingatan ng lahat, alinsunod sa panawagang magbuklod bilang iisang sambayanang ginagabayan ng pag-ibig ng Diyos.




