10,781 total views
Hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga pamayanan na magtulungan sa pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo.
Ito ang bahagi ng mensahe ng santo papa sa ikapitong Indigenous Peoples’ Forum (IFAD) na ginanap sa IFAD Headquarters sa Roma nitong February 10 at 11.
Tema ng pagtitipon ngayong taon ang “Indigenous Peoples’ right to self-determination: a pathway for food security and sovereignty” na layong kilalanin ang kahalagahan ng mga katutubo lalo na ang mga minanang kaugalian at tradisyong nakatutulong sa paghubog bilang pamayanan.
Pinunana ni Pope Francis ang mga gawaing nakasisira sa mga katutubong komunidad tulad ng pagkakamkam ng lupa.
“The defence of the right to preserve one’s own culture and identity necessarily involves recognising the value of their contribution to society and safeguarding their existence and the natural resources they need to live. This is seriously threatened by the increasing grabbing of farmland by multinational companies, large investors and states. These are damaging practices that threaten the right to a dignified life of communities,” pahayag ni Pope Francis.
Binigyang diin ng santo papa na ang lupa, tubig at pagkain ay hindi lamang pangkaraniwang kalakal kundi ito ay mahalagang pinagmumulan ng buhay at kabuhayan ng mamamayan at ugnayan ng tao sa kalikasan kaya’t ang sama-samang pangangalaga at pagtatanggol sa mga katutubo ay paraan ng pagpapanatiling masagana para sa susunod na henerasyon.
“Defending these rights is therefore not only a matter of justice, but a guarantee of a sustainable future for everyone. Inspired by a sense of belonging to the human family, we can ensure that future generations will enjoy a world in keeping with the beauty and goodness that guided God’s hands in creating it,” ani Pope Francis.
Ayon sa IFAD layunin ng pagtitipon na maisulong ang dayalogo kung saan inihahayag ng kinatawan ng iba’t ibang indigenous communities sa mundo ang kanilang hinaing at hamong kinakaharap ng kanilang komunidad.
Sa datos ng United Nations ang Pilipinas ay may mahigit sa 17 milyong katutubo na binubuo ng 110 ethnolinguistic groups na mayorya ay nahaharap sa matinding hamong mawawala ang kanilang ancestral lands dahil sa malawakang pagpapaunlad sa mga kanayunan.
Umaasa si Pope Francis na sa diwa ng Jubilee Year sa temang Pilgrims of Hope ay magiging daan ang IFAD sa pagbibigay pag-asa lalo na sa mga katutubong kadalasang naisasantabi sa lipunan gayundin ang mga lider ng bawat bansa na gumawa ng hakbang na mapangalagaan at maprotektahan ang kapakanan at karapatan ng katutubong komunidad.