185 total views
Ito ang naging panawagan ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo sa mga oil companies na nagtatakda ng presyo ng langis na nagdudulot ng dagdag pasanin sa mga drivers at commuters.
Ayon kay Bishop Arigo, mga ordinaryong commuters ang apektado sa pisong dagdag pasahe sa mga jeep ngayong araw bilang provisional o pansamantalang increase para lamang maibsan ang hinaing ng mga drayber at operator ng jeep dahil sa sunod – sunod na oil price increase.
Sinabi ng Obispo na marapat silipin at alamin ng gobyerno ang napakalaking kinikita ng mga oil companies sa halip na ipasa ang mabigat na pasanin sa transport sector at taumbayan.
“Tama rin yung panawagan ng mga jeepney drivers kasi pagkakalaki naman ng income ng mga oil companies. Yun ang dapat na silipin kaya kung kailangan minimal lang talaga yung mga increase ng mga cost ng fuel. Para isakripisyo muna yung kanilang income dahil meron naman silang corporate social responsibility na i – practice nila and not just word.” pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna na ring naglunsad ng nationwide strike noong nakaraang Lunes ang mga transport group upang tutulan ang pag – phase out sa 15 taon ng jeep lalo na at nasa 600 libong PUJ drivers at 250 libong operators ang maapektuhan ng modernization o corporatization sa mga pampasaherong jeep.
Samantala, nakasaad sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika na kailangang isaalang – alang ang kabutihang pangkalahatan o common good sa anumang paggalaw ng presyo o pasahe sa mga merkado.