759 total views
Kapanalig, naalala mo ba nuong panahon na alas tres pa lamang ay nagsasara na para sa mga kliyente ang karamihan sa mga bangko para may panahon pa ang mga tauhan nito na mabalanse ang lahat ng transakyon na nangyari ng buong araw?
Naalala mo pa ba ang panahon na kailangang mong sadyain ang bangko, pumila ng mahaba upang makapag-withdraw o maglabas ng pera na gagamitin panggastos? Naalala mo pa ba na kailangan mo ring maghintay para sa pag-update ng passbook mo?
Ngayon ba kapanalig, nagpapadala ka pa ba ng sulat sa koreo? O gumagamit ka na ng email, facebook, messenger o viber upang magpadala ng sulat o mensahe sa mga kaanak at kaibigan mo? Alam mo kung ano ang telegrama?
Ang lahat ng ito ay binago ng information and communication technology (ICT). Ang ICT ay tumulong sa atin na maproseso, mapakita at mapadala ang impormasyon saan mang panig ng mundo. Hindi lang bilis ang dala nito. Naging mas mura din kapanalig, ang palitan ng impormasyon. Binago nito kapanalig, ang ating buhay. Sa ngayon, sa ating bansa pa lamang, umaabot na ng 44.5 million ang mga gumagamit ng internet at 30% ng ating populasyon ay smartphone users.
Hindi lamang komunikasyon ang pinabilis ng teknolohiya. Malaking tulong din ito kapanalig upang maiahon tayo sa kahirapan. Ilan sa Sustainable Development Goals (SDG) ng United Nations ay kaugnay ang ICT. Halimbawa, kapanaling, ang SDG 1 na naglalayon na ipuksa ang kahirapan. Dahil ang kahirapan ay hindi lamang sa income o kita nasusukat, ang ICT ay may malaking bahagi sa pagpuksa nito. Ang kahirapan ay kawalan din ng access sa lupa, pautang, at serbisyo gaya ng kalusugan at eduaksyon. Ang ICT, kapanalig, ay maaring mas magpapabilis ng access sa mga ito. Nagbibigyan din nito ng boses o puwang ang mga taong karaniwang hindi maririnig sa lipunan. Maari rin itong tumulong sa pag-uugnay ng tao upang mas malakas ang kanilang pakikilahok sa lipunan.
Sa SDG 4 na naglalayon na magbigay ng access sa edukasyon at lifelong learning opportunities para sa lahat, marami ring magagawa ang ICT. Sa ngayon, maraming mga online courses na madali at libreng ma-access ng mga tao basta may koneksyon lamang sila sa internet.
Ang ICT ay isang instrumento na maari nating magamit upang mapuksa ang kahirapan at isulong ang panlipunang katarungan hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong mundo. Ang ICT ay nagpapakita na lahat tayo ay maaring maging pantay-pantay. Ang Populorum Progessio kapanalig ay ma paalala ukol dito: “Kailangan nating itapon ang mentalidad na ang maralita ay pabigat sa ating lipunan. Ang kanilang pagsulong ay oportunidad para sa ating lahat. Ang kanilang pagyabong ay pagsulong ng sangkatauhan.” Ang ICT ay may mahalagang papel sa kanilang pagyabong ngayon.