213 total views
Magkahalong lungkot at galit ang naramdaman ni Catholic Bishops Conference of the Philippine Episcopal Commission on the Laity Chairman at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, sa pag-reject ng Commission on Appointments kay Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources.
Ayon sa Obispo, ipinakita lamang ng mayorya sa mga miyembro ng CA na mas matimbang ang malalaking negosyo kaysa sa kapakanan ng kapaligiran at ng mahihirap.
“Nakakalungkot yung pangyayari at nakakagalit dito ipinakita ulit sa atin na ang mas napahahalagahan ay ang malalaking mga business kesa sa kapaligiran at sa maliliiit na mga tao,”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nanindigan naman si Bishop Pabillo na hindi titigil ang sambayanang Filipino, at patuloy nitong ipaglalaban ang buhay ng kalikasan at ang buhay ng mamamayan.
Tiniyak ng Obispo na magmamatyag ang taumbayan sa susunod na manunungkulan sa DENR at susuriin ang katayuan ng susunod na kalihim kung ito ay may taglay na integridad at tapang para labanan ang malalaking kumpanya ng mina.
Kaugnay nito, pinabulaanan ni DENR-OIC Under Secretary for Legal Affairs Atty. Maria Paz Luna, ang bintang kay outgoing DENR Secretary Gina Lopez na mayroon itong mga ghost employees na nagsilbing consultants sa ahensiya.
Paliwanag ni Luna, hindi maituturing na ghost employees ang mga consultants na tunay na nagtrabaho at tumulong sa ahensya upang maisaayos ang mga pag-aaral at pagsusuring isinagawa ng DENR.
Dagdag pa ni Luna, hindi tamang maglabas ng ulat at tawaging ghost employees ang kanilang kasamahan sa trabaho at dapat munang alamin ang kanilang panig bago sila batuhin ng mga espekulasyon.
Sa isang ulat, sinasabing mayroong 55 ghost employees si Lopez na tumatanggap ng P120,000 suweldo kada buwan.
Nauna rito, tinawag ng mga opisyal ng Simbahang Katolika na pagtraydor sa Diyos at taumbayan ang pagbasura ng CA sa ad-interim appointment ni Lopez bilang kalihim ng DENR.
READ :
http://www.veritas846.ph/pagreject-ng-ca-kay-lopez-pagtraydor-sa-diyos-taumbayan/