212 total views
Binatikos ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Arsobispo Emerito ng Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz ang hudikatura sa bansa matapos payagan ng Sandiganbayan fourth division na makapag–piyansa ang tinaguriang pork-barrel queen na si Janet Lim Napoles.
Ayon kay Archbishop Cruz, pinapaburan ng hukuman ang mga mayayaman habang pinapahirapan naman ang mga mahihirap.
Ikunumpara ng Arsobispo ang desisyon ng Sandiganbayan sa kalagayan ng 75-magsasaka na ikinulong sa Kidapawan na pinagpipiyansa ng labin-dalawang libong piso para makalaya.
“One thing is certain, in the Philippines the justice system is dysfunctional meaning to say the moment you are omnipotent, you are powerful, you are wealthy the justice system in the Philippines treats you differently than those who are poor, those who have nothing to eat. May nagsasabi na justice delayed daw ay justice denied. Hindi, justice delayed is injustice. Hindi naman malalim yun,” pahayag ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Pinayuhan naman ni Archbishop Cruz si Napoles na pagsisihan na ang kanyang nagawa at talikdan na ang kamalian sa pagsasauli ng nakaw na salapi para sa ikabubuti ng nakararami.
“Meron pa pong pagkakataon na kung talagang gusto niyong magpanibagong – buhay isauli niyo lahat yung ninakaw yung inyong kinuha. Hindi naman po sekreto yun, hindi naman po mahirap malaman yun kaya lang hindi ho kayo malitis – litis dahil ang ating justice system is not functioning. Kaya po sana yan ay pera ng bayan isauli niyo sa pamahalaan at sa aking pakiusap na ang ating pamahalaan ay huwag din namang ibulsa lalo na yung mga namumuno sa atin. Yun yung tinatawag nating distributive justice, public service and common good,” giit ng arsobispo sa Veritas Patrol
Nabatid sa pag–aaral ng United Nations Development Program na nangunguna ang Pilipinas sa 13 bansa sa Asya na pinaka–corrupt kung saan umaabot sa $2 bilyong dolyar o tinatayang 13 porsyento ng annual budget ang nawawala dahil sa koraspyon taon–taon.