232 total views
Tiwala si Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na magiging mataas ang voting turn-out ng mga Overseas Filipino Workers sa isinasagawang isang buwan na “overseas absentee voting” na nagsimula noong ika-9 ng Abril at magtatapos sa ika-9 ng Mayo 2016.
Inihayag ng Obispo na ang 100-percent na pagtaas sa bilang ng mga nagpatalang OFW ay isang indikasyon ng pagnanais ng mga itong ihalal sa puwesto ang mga karapat-dapat na pinuno ng bansa.
“Iyong malaking bilang ng nagparehistro ay tanda na talagang aware na at gusto nilang bumoto at alam natin na kung saan sa darating na April 9 hanggang May 9 ay higit na malaki ang boboto, lalo na ngayon na kung saan ay talagang naging center sila ng mga nangyayari sa Pilipinas.”pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas
Tiwala si Bishop Santos na mulat na ang mga OFW at wake-up call sa kanila sa pagboto ang usapin sa pagbubukas ng Balikbayan box, Laglag Bala Scam, pagpapatupad ng 550-pisong terminal fee sa kabila ng nakasaad sa batas na exemption at iba’t-ibang problema na kinakaharap ng mga Pilipino sa abroad dahil sa kapabayaan ng pamahalaan.
Hinimok ng Obispo ang mga OFW na gamitin ang pagkakataon upang magkaisa sa pagpili ng bagong mamumuno sa bansa na tutugon sa pangangailangan, karapatan at kalagayan ng bawat Filipino saan mang panig ng mundo.
“Yun nga ang ating inaasahan na ngayon ang ating mga botante ay matatalino, nag-iisip at sila ay nagbabasa, at ang atin ding mga OFW ay very aware sa situation ng Simbahan at sa pamahalaan at ganun din ang ginagawa ng ating mga Chaplain at social workers na talagang inuugnay ang mga pangyayari sa Pilipinas kanilang buhay sa ibang bansa..” dagdag pa ng Obispo.
Sa tala, tumaas ng 100 porsyento ang bilang ng nagpatala ngayong taon kumpara noong 2015 kung saan mahigit 400-libong OFW ang mga bagong rehistradong botante dahilan upang umabot sa higit 1.4 milyon ang mga Overseas absentee voters ngayong halalan.
Dahil dito, umaasa ang Obispo at maging ang COMELEC na mas tataas rin ang Voting Turnout ngayong halalan.