9,796 total views
Hinimok ni Laoag Bishop Renato Mayugba Jr. ang mga magulang at legal guardians na ipagpatuloy ang mabuting paghubog sa mga bata tungo sa kabutihan at maayos na paglaki.
Ito ang mensahe ng Obispo sa kauna-unahang World Children’s Day sa Archdiocesan Shrine of Nuestra Senora del Perpetuo Socorro (NSPS Shrine) na nasasakupan ng Archdiocese of Manila sa Pilipinas.
Inihayag ng Obispo na kadalasang napagsasawalang bahala ang pakikiisa ng mga bata sa buhay panananampalataya at pamayanan.
Hangarin ng Obispo na lalung mapayabong ang pakikiisa ng mga bata sa mga gawaing simbahan at pamayanan.
“Mahalaga ito, because the value of Children in the World is sometimes being lost and there’s so much need for a reappreciation of children in our families and in our society and in the whole; our whole world, sila ang kung minsan nakakalimutan kaya the Holy Father was very wise in bringing into focus once again the children, the joy of parents, the future of the world,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Mayugba.
Ipinaalala din ng Obispo ang mahalagang mensahe sa mga bata na sila ay biyaya ng Panginoon para sa kanilang magulang at higit na para sa simbahan.
Ipinaparating naman ni Father Antonio Navarete Jr., Rector at Parish Priest ng NSPS Shrine ang pasasalamat kay Ms.Jacqueline Marzan Tolentino na lead convenor ng Ignite Hope Philippines at World Children’s Day Filipinas dahil napili nila ni Bishop Mayugba ang dambana na pagdausan ng kauna-unahang world children’s day.
Umaasa ang pari na sa pamamagitan ng pagdiriwang ay lalung mapalaganap ang kamalayan ng mga magulang at legal guardians sa mga usaping kinakaharap ng mga kabataan.
“At itong simulain na ito ay magandang ipagpatuloy kasi tama nga naman, sa bible ang mga bata ay modelo ng kaligtasan, so tinatawagan natin yung mga handlers, mga magulang, mga guardians na take note itong event na ito ay baka makarating sa kung saanmang lugar sa susunod, mas maging- kumbaga nasa unahan ang pagbibigay halaga sa mga bata dahil maging si Hesus ay inuna ito,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Navarete.
Taong 2023 nang itakda ng kaniyang Kabanalang Francisco sa May 25 at 26 ang unang World Children’s Day na idinaos sa Roma.
Itinatag ito ng Santo Papa upang kilalanin ang mga bata, bigyan sila ng boses at maisulong ang mga adbokasiyang tutugon sa pagpapabuti ng kanilang buhay.