408 total views
Nagpaabot ng pagkilala ang CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa kabayanihan ng mga pulis at sundalong patuloy na nakikipaglaban at nagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon kay Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary ng CBCP NASSA/Caritas Philippines, naangkop lamang na magpasalamat sa malaking sakripisyo at pag-aalay ng buhay ng mga kawani ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Philippine National Police na sa kabila ng init, gutom, panganib at pagkalayo sa kanilang mga pamilya ay patuloy na ginagampanan ang tungkuling protektahan at panatilihin ang seguridad at kaayusan ng bansa.
Iginiit ni Father Gariguez na bukod sa kabayanihan, ang ipinapakita ng mga sundalo at pulis sa Mindanao ay patunay na hindi lahat sa kanilang hanay ay mga tiwali at hindi tapat sa tungkulin.
“Malaki ang sakripisyo at kinikilala natin yung kabayanihan ng ating mga sundalo ganun din ng mga pulis. Kaya pasasalamat sa kanilang mga pamilya at siguro ito yung kabayanihang kabaliktaran naman nung mga kapabayaan sa mga nangyayaring krimen ng mga pagpatay pero ito naman sa kabilang bahagi nakikita natin yung mga kabayanihan ng kasundaluhan natin na nagtitiis ng gutom, init, pagkalayo sa pamilya at pag-aalay ng kanilang buhay din yung iba maraming sugatan, may mga namatay at ito’y para sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao,” pahayag ni Father Gariguez sa panayam sa Radyo Veritas.
Nabatid mula sa tala ng Armed Forces of the Philippines noong ika-24 ng Augusto, sa 778-indibidwal na namatay sa nagaganap na labanan sa Marawi City 130-dito ay mula sa puwersa ng pamahalaan, 45 ang sibilyan habang 603 naman mula sa panig ng teroristang grupong Maute.
Unang nagpaabot ng patuloy na pagsuporta at panalangin ang Military Ordinariate of the Philippines para sa mga sundalo at pulis na patuloy na nagsusumikap na maibalik ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao kasunod ng pagpapalawig sa umiiral na Batas Militar hanggang sa ika-31 ng Disyembre 2017.