244 total views
Dismayado ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa pahayag ng sinibak na Caloocan Chief of Police PS Supt. Chito Bersaluna na ibinatay ng mga pulis sa social media ang pagkakasangkot ng 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos sa kalakalan ng illegal na droga sa Caloocan City.
Ayon kay Atty. Neri Colmenarez, spokesperson ng NUPL, hindi katanggap-tanggap at sumasalamin sa palpak na intelligence gathering ang pahayag ng dating hepe ng Caloocan PNP.
Iginiit ni Atty. Colmenarez na marami ang maaaresto at masasakdal ng walang kasalanan kung ibabatay lamang sa social media ng mga otoridad ang pangangalap ng katibayan.
Binigyan diin rin ni Colmenarez ang pangunahing panuntunan sa Saligang Batas ng pagkakaroon ng Warrant of Arrest ng mga otoridad bago arestuhin ang sinuman.
“The law requires na ang mga otoridad may susunding patakaran, ang unang rule walang aresto kung walang warrant of arrest, basic rule yan sa constitution. Kay Kian may nakita kayo sa Social Media na addict siya o pusher siya tapos aarestuhin mo, hindi ganun, di ang daming maaaresto dito sa atin sa buong Pilipinas. Social Media lang pala kaya napaka-palpak naman ng intelligence nila,” pahayag ni Colmenarez sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, naniniwala rin si Colmenarez na hindi lamang gawa ng isang sira-ulong pulis ang naganap kay Kian sa halip ay isang patakaran upang mapuksa ang mga drug personalities sa bansa na hindi sumusunod sa tamang proseso ng batas.
“Sa akin malaki ang aking paniwala na hindi ito parang gawa lamang ng isang sira-ulong pulis, ito ay isang patakaran to eliminate you know mga drug whether mga drug addict or drug pusher or suspected drug addict and Kian was one of many victims na ng extra-judicial killings…” Dagdag pahayag ni Colmenarez.
Ang marahas na pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga ay mariing kinokondena ng Simbahang Katolika.
Batay sa datos ng Philippine National Police noong ika-26 ng Hulyo, umaabot na sa higit 3,450 ang bilang ng napatay sa mga operasyon na isinagawa ng pulisya laban sa iligal na droga na taliwas naman sa tala ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), na aabot na sa 13-libong drug related killings sa buong bansa.