257 total views
Hindi napigilan ng malakas na ulan ang pagdiriwang ng ika-11 taong anibersaryo ng pagdating ng Mahal na Birhen ng Caysasay sa lungsod ng Marikina.
Ayon kay Antipolo Bishop Francisco De Leon na siyang nanguna sa banal na misa sa Immaculate Concepcion Parish, ang Nuestra Señora de Caysasay ay representasyon ng isang ina na naghahanap at umaakay sa kanyang mga anak na naliligaw ng landas.
“Ang Our Lady of Caysasay ay ang ating Mahal na Birhen so maging Caysasay, Fatima o Lourdes tandaan natin na siya pa rin ang mahal nating ina na nagmamahal sa atin. Itong Caysasay ay may background na Pinoy kaya ito ay mahalaga at ang tawag sa kanya ay Birheng Gala pero sa akin Birheng Naghahanap — hinahanap ang kanyang mga anak, tayo, upang ibalik sa kanyang anak na si Hesus,” pahayag ng Obispo.
Layunin ng pagriwang na kilalanin ang kadakilaan ni Maria bilang Mahal na Birhen ng Caysasay at mga himala na nagawa nito sa pagpapanibago ng buhay ng maraming mananampalataya isang dekada buhat noong dumating ito sa lungsod.
Sa kasalukuyan ay apat na taon nang namamalagi sa Parokya ng Immaculada Concepcion sa Marikina ang pilgrim image ng Our Lady of Caysasay.
Ang Mahal na Birhen ng Caysasay o mas kilala sa taguri bilang ‘Birheng Gala’ at ‘Reyna ng Arkidiyosesis ng Lipa’ ay pinaniniwalaang isa sa pinakamatandang imahe ng Birheng Maria sa bansa na natagpuan ng isang mangingisda habang namamalaot sa ilog ng Pansipit sa Batangas noong 1603.
Kaugnay nito ay itinatag ang Archdiocesan Shrine of Our Lady of Caysasay sa Lipa, Batangas bilang pagpupugay sa Mahal na Birhen at upang mas mapalawak pa ang debosyon sa milagrosang imahen.