177 total views
Tahasang inihalintulad ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David,chairman ng CBCP Episcopal Commission on Cultural Heritage of the Church sa mga anay na sumisira sa lipunan ang mga nasa likod ng pamamaslang at pagpatay sa mga inosenteng mamamayan sa lungsod ng Navotas, Kalookan at Malabon.
Sa misa para sa isinagawang Walk for Life ng Diocese of Caloocan sa Navotas City, matapang na inilarawan ni Bishop David ang pagkakakilanlan ng mga grupong pumapatay na ang ilan ay tinatawag na Death Squad at Bonnet Gang na araw-araw gumagawa ng krimen sakay ng mga motorsiklong walang plaka.
Pagbabahagi ng Obispo, isang malaking katanungan kung bakit hindi nahuhuli ang death squad sa kabila ng presensiya ng mga pulis, barangay tanod at mga CCTV.
Sa nakalipas na tatlong linggo ay umaabot sa 30-indibidwal ang napapaslang ng mga hindi kilalang salarin.
“Hindi lang mga bahay ang inaanay. Ang lipunan din. Tulad ngayon, nasa ating piling dito sa Navotas, Caloocan at Malabon ang mga mamamatay-tao. Sa loob lang ng tatlong linggo halos tatlumpu ang napatay nila dito lang sa Navotas. Araw-araw silang pumapatay. Kung minsan isang grupo kung bumanat, nakabonnet, nakamotorsiklong walang plaka. Palipat-lipat, pero tulad ng anay na puti hindi sila nakikita. Hindi sila nahuhuli ng mga pulis, hindi rin sila nakikita ng mga tanod sa barangay, kahit merong cctv sa bawat kanto.”bahagi ng homiliya ni Bishop David sa isinagawang misa sa San Jose de Navotas Church.
Ibinahagi naman ni Bishop David ang kanyang naging pakikipagpulong sa mga alkalde ng Navotas, Caloocan at Malabon na tatlong lungsod na nasa ilalim ng Diocese of Caloocan at hinimok ang mga itong puspusang isulong ang imbestigasyon at pagbibigay katarungan sa mga kaso ng pagkamatay sa tatlong syudad.
Bukod dito, inilarawan rin ni Bishop David bilang anay ang takot na nananaig sa puso’t-isip ng mga naging saksi sa mga serye ng pagpaslang upang hindi isiwalat ang mga nasaksihan sa pangambang madamay ang mga mahal sa buhay.
“Ang mga puso at isip natin, inaanay din. Kinakain ng takot at pangamba. Marami naman talagang nakakakita,
pero pabulong sinasabi, baka nga naman kasi madamay pa sila. Baka balikan sila, baka gantihan. Baka ilagay din ang pangalan nila sa drug watch list na ngayon ay naging death list. Baka saktan nila ang pamilya mo, nanay mo,
anak mo, kapatid mo. Kaya tatahimik ka na lang.” Ayon pa kay Bishop David.
Kaugnay nito, inihayag ng Obispo na isang malaking katanungan kung ano ang pakahulugan ng Philippine National Police sa salitang “kriminalidad” dahil sa kabila ng tumataas na kaso ng pagpatay sa hindi lamang sa Navotas, Malabon at Caloocan kundi sa buong bansa ay ipinagpipilitan pa rin nilang bumaba ang crime index.
Sa huli, mariing nanawagan ng pagkakaisa, katapangan at paninindigan si Bishop David upang mapanatiling sagrado at banal ang buhay na nagmula sa Panginoon at hindi mauwi sa mga bilang o statistic lamang ng mga namamatay.
“Huwag nating hahayaang ang mga buhay ng mga taong nilikha ng Diyos na sagrado at banal ay mauwing mga statistics o bilang na lang.” Ang apela ni Bishop David.