250 total views
Nilinaw ni Gloria Arellano, Chairperson ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, sa panayam ng Radyo Veritas na hindi nito kinukunsenti ang maling aksyon ng kanilang miyembro na pagsasanla ng bahay na ipinagkaloob ng gobyerno.
Paglilinaw ni Arellano, isinanla ng kanilang miyembro na si Jerry Lavado ang bahay na ibinigay sa kanya dahil sa kakulangan sa pambili ng gamot.
Sinabi ni Arellano na kung isinangguni ito sa kanila ni Lavado ay maaaring matulungan ang kanilang miyembro at hindi na humantong pa sa pagsasanla ng pabahay ng pamahalaan.
“Binigyan namin sya ng disciplinary action, humingi ng tawad sa kadamay, humingi ng tawad sa mamamayan.Hindi namin timotolerate yan dahil meron kaming patakaran doon na ibinigay sa lahat ng occupants.” Bahagi ng pahayag ni Arellano sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Arellano na nabigyan na ng karampatang parusa si Lavado, at umaasa itong wala nang iba pang miyembro ng KADAMAY ang magbebenta o magsasanla ng pabahay.
Matatandaang noong 2017 mahigit sa 5-libong mga pabahay ang inokupa ng grupong kadamay at ipinagkaloob naman ito sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte upang matugunan ang pangangailangan sa tahanan ng ilan sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Sinabi naman ni St. Pope John Paul II, na ang Simbahan ay nakiki-isa sa maralita at may obligasyon na tumulong sa paghahanap ng mga kongkretong solusyon sa problema ng pabahay at upang masiguro na ang estado ay nagbibigay ng sapat na atensyon sa mga walang tahanan.