1,490 total views
Ginunita ng Philippine National Police ngayong araw ang ikawalong anibersaryo ng 44 Fallen PNP-Special Action Force o SAF 44 na magiting na nakipaglaban sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.
Sa mensahe ni PNP Chief, Police General Rodolfo Azurin, Jr. hinimok nito ang hanay ng pulisya na pagnilayan ang sakripisyo at pag-aalay ng buhay ng mga nasawing pulis at sundalo sa Mamasapano encounter, gayundin ang kanilang mga naiwang pamilya.
“That unfortunate incident, which resulted in the tragic loss of our 44 special action force troopers, is a powerful reminder of the selflessness and devotion of our police officers to do their duty. Despite the odds and difficulties, they faced, these brave young men remained committed in carrying out the mission to protect and serve our communities,” bahagi ng mensahe ni Azurin.
Ayon kay Azurin, mananatili at hindi na mabubura sa kasaysayan ang katapangang ipinakita ng SAF 44, na katulad ng mga naunang bayani ay inialay ang buhay hindi para sa sariling kapakanan kundi para sa kapayapaan at kalayaan ng bayan.
Umaasa rin ang pinuno ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na ang ipinakitang halimbawa ng SAF 44 ay magsilbi nawang inspirasyon ng mga kawani ng PNP at mga susunod na henerasyon.
Nagpahayag naman ng pakikiramay at pakikiisa sa panalangin ang PNP sa mga naulilang mahal sa buhay ng mga bayani.
“We will continue to honor their memory and supreme sacrifice as we make sure that their legacy lives on through our actions and dedication to the service. They will always be remembered as true heroes, who have given their lives for the service of Filipinos,” ayon kay Azurin.
Sa ilalim ng Proclamation No. 164 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, idineklara nito ang ika-25 ng Enero na National Day of Remembrance bilang pagkilala sa kabayanihan ng SAF 44.
Ang Mamasapano encounter na unang tinawag bilang Oplan Exodus, ay plano ng PNP-SAF upang hulihin o patayin ang wanted na Malaysian terrorist at bomb-maker na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, at iba pang Malaysian terrorist o matataas na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).