197 total views
Hiniling ni Manila Archbishop Luis Antonio sa Panginoon na dinggin ang mga pagtangis sa gitna ng karahasan lalo na sa naganap na pagsabog sa isang night market sa Davao City na ikinasawi ng 14 na sibilyan at ikinasugat ng 68-katao.
“Mahabaging Diyos, masdan mo po ang aming luha; dinggin mo po ang aming pagtangis sa gitna na karahasan, lalo na sa Davao. Dumating nawa po ang iyong paghahari sa amin. Sapagkat kung saan ka naghahari, namamayani ang katotohanan, katarungan, pagibig, paggalang at ganap na buhay,” panalangin ni Cardinal Tagle.
Ipinagdarasal din ni Cardinal Tagle sa Diyos ang kapatawaran ng mga nasa likod ng madugong pagpapasabog at iwaksi nila ang mga balak na masama.
“Patawarin mo po ang gumawa ng karahasan. Iwaksi nawa nila ang mga balak na masama. Ibaling mo ang kanilang puso sa mabubuting damdamin at gawain. Patawarin mo po ang naghihiganti at naghahasik ng pananakot.Patawarin mo po ang walang pakiramdam at walang ginagawa,” bahagi ng dasal ni Cardinal Tagle.
Hiniling din ng Kardinal sa Diyos na yakapin ang mga nangungulila, sugatan at mga nasawi sa pagsabog.
“Yakapin mo po ang mga nangungulila at sugatan. Yakapin mo po ang mga nasawi. Yakapin mo rin po ang nakapatay ng kapwa upang sila ay magsisi,”dasal ng Kardinal.
Lubos na nagsusumamo si Cardinal Tagle sa panginoon na iligtas ang lahat ng tao sa kasamaan at hangaring masama sa kapwa.
“Iligtas mo po kami sa lahat ng kasamaan at paghahangad ng masama. Bigyan mo kami ng kapayapaang bunga ng mabuting kalooban. Amen Inang Maria, ipanalangin mo kami,”pagtatapos ng dasal ni Cardinal Tagle.
Kaugnay nito, hiniling ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa panginoon na pawiin ang nararamdamang pangamba at takot ng sambayanang Filipino matapos ideklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang “state of lawless violence” sa bansa kasunod ng pagpapasabog sa Davao.
“Panginoon,aming Ama, ikaw po ang may lalang ng lahat. Ikaw din ang nagbigay ng mga batas upang ang tamang kaayusan at kapayapaan at maranasan ng lahat.Lubos po kaming nalulungkot dahil sa pagdideklara ng state of lawless violence sa aming bansa. Marami po ang natatakot, marami ang nakakadama ng kawalan ng kapayapaan.Nilalagay po namin ang aming buhay sa iyong mapagpalang kamay sapagkat kung kami ay nasa iyong mga kamay ang lahat ng aming mga takot ay nawawala. Ikaw po ang aming Diyos kaisa ni Hesus at banal na espiritu, magpasawalang hanggan.Amen,” dasal ni Bishop Mallari.