7,903 total views
Umaapela ng katarungan at pagkakapantay-pantay ang Archdiocese of Davao sa gitna ng pagkakahati-hati ng mga Pilipino kasunod ng pag-aresto ng Interpol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakadetine sa International Criminal Court sa The Hague Netherlands.
Sa liham pastoral ni Archbishop Romulo Valles binigyang diin nitong sa kabila ng kawalang katiyakan at kaguluhang nangyayari sa bansa patuloy na maninindigan ang simbahang katolika bilang tanglaw ng pananampalataya, pag-asa, at pagkakawanggawa.
“United as one people, we recognize the pain and frustration felt across the land, including the suffering of those who consider themselves victims of injustice in the past…Justice, however, must be pursued with fairness and integrity. It must remain free from partisan political motivations or personal vendettas,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Valles.
Apela nito sa pamahalaan na itaguyod ang due process, sundin ang batas, at igalang ang ‘fundamental principle of the presumption of innocence’ sapagkat sa ganitong hakbang na paghahanap ng katarungan makakamtan ang tunay na kapayapaan.
Nilinaw ng arkidiyosesis na kinikilala nito ang kahalagahan ng pananagutan subalit bilang simbahan ay bahagi rin nito ang pangangalagang pastoral sa nasasakupan.
“While we affirm the importance of accountability, we also extend our pastoral support and prayers to the former President and his family; he being a son of this local Church, so beloved by a vast number of our faithful,” ani Archbishop Valles.
Iginiit ng arsobispo na pangunahing misyon ng simbahan ang ipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon sa lahat ng dako kabilang na rito ang paninidigan sa katotohanan, pangangalaga sa dignidad ng tao at pagtataguyod sa kabuting panlahat.
Apela ni Archbishop Valles sa nasasakupang mananampalataya na tahakin ang landas ng pagkakasundo sa gitna kaguluhan at isulong ang mahinahong pagresolba sa mga usapin.
“We therefore call upon you, our faithful here in the archdiocese, to reject hatred and division, choosing instead the path of dialogue over discord, and reconciliation over conflict,” giit ni Archbishop Valles.
Sa kasalukuyang karanasan ng Pilipinas sa usaping pampulitika muling idinulog ng arsobispo sa pamamatnubay ng Mahal na Birheng Maria ang mapagkalingang habag at awa ng Panginoon na mangibabaw sa puso ng bawat isa upang makamit ang tunay na katarungan at kapayapaan sa bansa.
Sa pagharap ni dating Pangulong Duterte sa ICC noong March 14 itinakda ang susunod na pagdinig sa September 23, 2025 kaugnay sa reklamong ‘Crimes Against Humanity’ dahil sa ipinatupad na war on drugs ng kanyang administrasyon.